Napuno ng sigawan ang isang kasalan dahil hindi lang isa, kundi dalawa ang bride ng isang groom alinsunod sa tradisyong “Duwaya” ng mga Muslim sa Matalam, Cotabato. Ano ang kuwento sa likod ng kanilang “love triangle,” at magkasundo kaya ang dalawang babae na magkahati sila sa puso ng lalaking inibig nila? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang video ng seremonya ng “Duwaya” ng groom na si “Abdul,” ‘di niya tunay na pangalan, 21-anyos, sa dalawa niyang bride na sina “Fatima” at “Samina,” hindi rin nila mga tunay na pangalan.
“Ito 'yung pinahihintulutan ng Islam na magkaroon ng higit sa isang asawa, ang isang Muslim na lalaki. Provided po that 'yung husband can deal with equal companionship and just treatment doon sa kaniyang mga asawa,” sabi ni SCL Johayra Ambiong Datlan, Mais, JD, Shari’ah Counselor, NCMF/IIS - University of the Philippines.
Sa ngayon, nakatira pa muna sa kani-kanilang mga tahanan sina Fatima at Samina. Kaya naman si Abdul, nag-i-iskedyul ng tig-tatlong araw ng pagbisita sa kaniyang mga asawa.
Nagsimula ang kuwentong pag-ibig nina Abdul at Fatima noong 2018 nang maging magkaklase sila.
“Nu’ng time po na 'yun, may Kanduli po sa amin, 'yung ginagawa po 'pag may patay. ‘Gusto ko na tumulong ka sa amin.’ Pumayag din po siya,” sabi ni Fatima. “That time po, naguwapuhan po ako sa kaniya and cute din po siya.”
“Minsan po tinutulungan niya po ako gumawa ng assignment at saka work sa school, caring at saka 'yun na rin, maganda,” sabi naman ni Abdul tungkol kay Fatima.
Hanggang sa naging magkarelasyon sina Abdul at Fatima. Ngunit naghiwalay ang dalawa taong 2020 nang malaman ng babae na balikan ni Abdul ang ex nito.
Kinalaunan, muling makipagbalikan si Abdul kay Fatima.
Nagbigay naman ng kondisyon si Fatima na kailangang ligawan ni Abdul ang kaniyang pamilya kung gusto nitong makipagbalikan sa kaniya, bagay na ginawa naman ng binata. Nangako naman si Abdul na hindi na siya manlolokong muli.
Ngunit 2024 nang muling matukso si Abdul at palihim na umibig sa isa pang babae na si Samina.
“Nagkakilala po kami nu'ng kinasal po 'yung pinsan niya. Pinahiram ko po siya ng payong kasi umuulan po nu'ng time na 'yun,” kuwento ni Abdul tungkol kay Samina.
“Nabaitan po ako sa kaniya. Wala po akong intensyon na maging kami. Kasi as a friend lang po talaga din. Tumagal po nang tumagal 'yung pag-uusap namin sa chat,” kuwento naman ni Samina.
“Parang nahulog na rin po 'yung loob ko sa kaniya. Nanligaw po ako sa kaniya nu'ng time na 'yun,” sabi ni Abdul.
Kalaunan, natuklasan ni Fatima ang namumuong pag-iibigan nina Abdul at Samina.
“May nag-chat po sa akin na, ‘Hindi ka ba niloloko ng jowa mo?’ May gisend po sila sa akin. 'Yung picture po nila, i-ask ko po siya na, ‘Totoo ba ‘to?’ Nagsabi rin siya sa akin na, ‘Wala, ano lang ‘yan, ganito, ganyan,’” kuwento ni Fatima.
Wala namang kaalam-alam si Samina noon na may karelasyon na pala si Abdul sa iba.
“Nu'ng nalaman ko na may iba siyang jowa, nakipaghiwalay na ako,” sabi ni Samina.
Pag-amin ni Abdul, nagsisisi siya sa kaniyang nagawa.
“Nakonsensiya rin po ako, nanloko po ako ng isang tao, dalawa pala,” anang binata.
Ngunit mas naging komplikado ang kanilang love triangle nang ipagtapat ni Samina na buntis siya.
“Nagsisisi po. Kasi po nag-aaral pa po ako. Hindi ko rin po alam ang gagawin ko kasi wala pa akong isip about sa pag-aasawa. In Islam po kasi, if buntis po 'yung babae, kailangan po talagang pakasalan para maging halal po 'yung baby,” sabi ni Samina.
Ayon kay Datlan, pinarurusahan sa ilalim ng Shari’ah ang Zina o ang pakikipagtalik sa labas ng kasal.
“‘Yung pagpapakasal after committing Zina or 'yung sexual intercourse prior to valid marriage, hindi po ito obligado doon sa dalawang nagkasala. Ang penalized po sa Shari’ah ay 'yung pagko-commit nila ng Zina kasi hindi po pwede sa amin ang pakikipagtalik sa ibang tao o sa ibang opposite sex nang wala pang valid marriage. Kailangan muna nilang mag-repent,” sabi ni Datlan.
“Pinahihintulutan ng batas na magpakasal sila under freewill during the pregnancy para maging lehitimong anak 'yung bata,” dagdag ni Datlan.
“Nung nalaman ko po 'yun, masakit, sabi ko, ‘Bakit ganito? Bakit sa iba? Bakit hindi sa akin? Dapat ako 'yun,’” sabi ni Fatima. “Ayaw ko po talaga na mag-Duwaya po. Mahirap po talaga 'pag may Duwaya ka kasi po, nahahati po talaga 'yung oras ng lalaki sa ibang babae.”
Ayon pa kay Samina, kapag hindi siya pumayag at nalaman ito ng kanilang mga nakatatanda, mayroon siyang penalty na higit P100,000.
Sa huli, nagkasundo sina Abdul, Fatima at Samina, na sumailalim sa tradisyon na kung tawagin ay Duwaya para sa kanilang kasal.
“Ito ay isang obligation natin na to save 'yung mga kababayan. Saved doon sa imoralidad,” sabi ni Imam Ebra Moxsir, National President ng Imam Council of the Philippines
Binanggit naman ni Datlan ang Article 27 ng Presidential Decree 1083 na maaaring magkaroon ng higit sa isang asawa ang isang lalaking Muslim ngunit hindi lalampas sa apat, sa kondisyong makapagbibigay siya ng pantay na pakikisama at makatarungang pagtrato sa kaniyang mga asawa.
Nilinaw din ni Ummu Zaynab, President ng Philippine Muslim Women’s Union, na “Amanah” ang Duwaya, o hindi pribilehiyo.
“Hindi ito dapat gamiting solusyon sa sariling pagkakasala o iresponsibilidad. Sa kababaihan, ay malaya silang pumili ng kanilang mapapangasawa. Kung tayo ay sa palagay natin na oppressed or napipilitan, humingi tayo ng tulong sa ating pamilya, sa ating mga iskolar, at silang mga merong sa institusyon na makapagbigay ng tulong sa atin,” sabi ni Zaynab.
Kaya hindi maitanggi ni Fatima na malamig pa rin ang pakikitungo niya kay Samina.
“Galit din po ako sa kaniya. Nalaman niya rin po na may jowa 'yung boy. Bakit niya pinatulan?” ani Fatima.
“Bago ko lang din po talaga nalaman. Masakit din po na medyo nakakagulat. Kasi akala ko ako lang din. May galit po kasi ang sabi niya, ako lang ang pakasalan. Pero naging dalawa man pala. Iniisip ko na lang po na para po sa baby po. Kaya po tinanggap ko na lang po na tatlo kami sa relasyon,” sabi ni Samina.
Tunghayan ang emosyonal na paghaharap nina Fatima at Samina. Panoorin. Panoorin ang video ng KMJS.—FRJ GMA Integrated News
