Itinalaga ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. si dating Philippine National Police chief Nicolas Torre III bilang bagong general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Kinumpirma ito ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ngayong Biyernes. 

Papalitan ni Torre sa puwesto bilang GM ng MMDA si Procopio Lipana.

Wala pang tugon ang Presidential Communications Office (PCO) kung bakit inalis sa puwesto si Lipana, at kung ililipat ba sa ibang posisyon ang naturang opisyal.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, mapipilitan si Torre na magretiro nang maaga sa pagiging pulis kapag tinanggap nito ang posisyon sa MMDA.

Inalis si Torre sa puwesto bilang hepe ng PNP noong nakaraang Agosto, na kabilang umano sa mga dahilan ayon kay Remulla ay hindi niya pagsunod sa direktiba ng National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay sa reassignment ng ilang opisyal ng PNP.

Sa pag-alis kay Torre, hinirang ni Marcos na acting PNP chief si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.

Gayunman, nananatili ang pagiging 4-star general ni Torre, na mas mataas sa 3-star general na si Nartatez. 

Hindi maipo-promote si Nartatez bilang 4-star general hangga't hindi nagbibitiw sa puwesto o kaya ay maagang magretiro si Torre.

Sa Marso 2027 pa ang mandatory retirement age na 56 ni Torre.— Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News