Hindi pa man naipapalabas ang upcoming Kapuso series ni David Licauco na "Never Say Die," masisilip na ang kaniyang karakter sa special crossover sa action primetime series na "Sanggang Dikit FR."

Sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni David na makikita ang kaniyang role na si Andrew Dizon, isang investigative vlogger sa "Sanggang Dikit FR," na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.

"Nung sinabi sa 'kin na in a sense crossover nga 'to para ma-introduce 'yung character ko sa 'Sanggang Dikit' onto the next teleserye which is 'Never Say Die,' siyempre game tayo diyan," saad ng aktor.

Isang buong araw umano kinunan ang mga eksena ni David para sa "Sanggang Dikit FR." Nagsilbi rin itong reunion nila ni Dennis, na dati niyang nakasama sa mga nagdaan niyang proyekto na "Maria Clara at Ibarra" at "Pulang Araw."

"To be honest, na-miss kong ka-trabaho si Dennis. Kasi my past two teleseryes siya 'yung kasama ko. So seeing him again, na-excite ka, siyempre di naman everyday makakatrabaho mo si Dennis 'di ba? I really had to study," ayon kay David.

"Every time na I step onto the scene, I have to step up, siyempre," dagdag niya.

Makakasama ni David sa "Never Say Die," si Jillian Ward. – FRJ GMA Integrated News