Maliban sa paghahatid nang libre sa isang nagda-dialysis na pasahero, napag-alaman na ibinigay din ng pinaslang na Grab driver, ang pera na tinanggap niya sa kaniyang kompanya na reward sa nagawang kabutihan para naman sa pagpapagamot ng mata ng isang may problema sa mata.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing bumuhos ang pakikiramay sa lamay ng pinaslang na driver na si Gerarldo Maquidato Jr.
Pinaslang, pinagnakawan at kinuha ng mga salarin ang sasakyan ni Maquidato noong Oktubre 26.
Base raw sa report ng pulisya, nakita ng saksi na itinulak palabas ng minamaneho niyang sasakyan na Toyota Innova si Maquidato na namatay sa tama ng bala sa Bonanza Street sa Pasay.
Una nang nakilala si Maquiodato ng netizens matapos na mag-viral ang kuwento ng kabaitan ng biktima dahil sa paghahatid niya nang libre sa isang pasaherong nagda-dialysis.
Nitong Linggo ng gabi, kabilang sa mga dumalaw sa burol ni Maquidato ang mga kaanak ng tinulungan niyang pasahero.
Ayon kay Divine Ornum, nag-book siya ng Grab para sa kapatid niyang si May na nagda-dialysis noon. Nagulat na lang daw siya nang nagpatawag ang kapatid niya na umiiyak sa kasiyahan dahil sa kabutihan ni Maquidato.
"Sabi ko sa sister ko baka naawa siya sa'yo kasi yung hitsura niya nagda-dialysis payat na payat. Baka naawa kaya 'di siya pinagbayad. Umiyak siya lalo [na] may mga tao pa palang mabuti ang kalooban," kuwento ni Ornum.
Ang kuwento ng kaniyang kabaitan ay naging viral sa Facebook. Pero tatlong araw matapos maisakay ni Maquidato, pumanaw si May. Dumalaw pa umano si Maquidato sa burol ng kaniyang kapatid.
Matapos ang ilang buwan, ibinigay naman daw sa kanila ni Maquidato ang perang naging pabuya sa kaniya ng kompanya.
Nahihiya umano si Ornum na tanggapin ang perang ibinibigay ni Maquidato dahil alam niyang reward ito ng kompanya sa kaniya dahil sa ginawa niyang kabutihan.
"Sabi niya, 'di ma'am para 'to sa pamangkin mo. Mapapagtrabahuhan ko pa naman uli 'to.' Siguro naawa siya sa pamangkin ko kasi may diperensya sa mata. tuwing nakikita niya raw pamangkin ko naaawa siya naaalala niya sister ko," kuwento pa ni Ornum.
Umaasa naman ang pamilya ni Maquidato na mabibigyan ng hustisya ang nangyari sa kaniya.
Nakikipagtulungan daw ang Grab sa mga awtoridad para mahanap ang mga salarin.
Hindi umano ito ang unang pagkakatao na nabiktima ng mga kriminal na nagpanggap na pasahero ang mga Grab driver. Hindi bababa sa anim na insidente pa ng carnapping ang ni-report ng Grab.
Nag-alok naman ang Grab Philippines ng P100,000 pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang pumaslang kay Maquidato.
"I think it's within our responsibility to do whatever we can para hulihin po ang perpetrator ng crime na ito," pahayag ni Grab Philippines country head Brian Cu said.
"Nakausap ko po ang misis nya. Ang simpleng hiling lang nya ay mabigyan ng justice po si Junjie at mahuli ang duwag na pumatay sa kanya," dagdag ni Cu. -- FRJ, GMA News
