Bagama't isang masiglang palengke sa umaga, nababalot naman ng katatakutan sa gabi ang pamilihang bayan ng Bauang, La Union.

Ayon sa mga tagaroon, dating sementeryo ang palengke kaya ito pinamumugaran ng mga ligaw umanong kaluluwa.

Sa ulat ni CJ Torida sa Balita Pilipinas nitong Miyerkoles, sinabing isa lamang ang white lady sa mga gumagala sa pamilihan tuwing sasapit ang dilim.

Kwento ni Mang RC Royola, apat na taon nang naninirahan malapit sa pamilihan, maaaring naghahanap daw ng hustisya ang kaluluwa.

"Talagang white lady ang naglalakad na 'yun, dalawa sila pabalik-balik. Siguro mga namatay na 'yun. Siguro may hinahanap na katarungan," aniya.

Isang babaeng nakaputi at lalaking nakabarong naman ang nakita ni Anita Lucar sa palengke.

"Mag-asawa siguro 'yun, nakaputi sila, sumilong sila doon sa silong ng mangga namin. Ang sabi ng anak ko, kasi may third eye din ang anak ko, 'Umalis kayo diyan, humanap kayo ng ibang masisilungan ninyo kasi hindi niyo pag-aari ito,' sabi ng anak ko nu'n," ani Aling Anita.

Ang lalaking nakabarong daw ay ang ligaw na kaluluwa ng paring pinatay noong panahon ng Kastila, ayon sa mga matatanda sa palengke.

Sinabi naman ni Father Rizal Acosta, Assistant Parish Priest ng St. Peter and Paul Parish sa Bauang, La Union, may mga kaluluwa talaga na kinakasangkapan ng demonyo.

"'Yung mga earth-bound soul na ito ay, siguro ayaw pa nilang umuwi sa kaharian ng Diyos sapagkat meron pa silang mga issues dito sa lupa."

Ipinayo ng Simbahan na tibayan ang pananampalataya at taimtim na magdasal para makaiwas sa masasamang espiritu. —Jamil Santos/KBK, GMA News