Isang pasaherong lalaki ang isinugod sa ospital matapos siyang makaladkad ng tren ng Light Rail Transit 1 sa Pasay City nitong Lunes ng umaga nang maipit ang kaniyang binti sa pintuan ng isang bagon.
Sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Julieto Eco, 48-anyos, residente ng Tanza, Cavite. Nagtamo siya ng mga sugat sa katawan at mukha dahil sa pagkakakaladkad sa platform ng Gil Puyat Station.
Nangyari ang insidente nang maipit ang biktima sa pinto ng bagon na bigla umanong nagsara.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing nagmamadali umanong sumakay ang pasahero nang biglang nagsara ang pintuan ng tren.
Sa hiwalay na panayam ng GMA News TV "QRT", sinabi ni Engr. Rod Bolario, operations director ng LRT-1, sinabi nito na pasara na ang pinto ng bagon pero humabol ang biktima at ipinasok ang kaniyang hita.
Pero sa halip na bumukas muli ang pinto, tuluyang itong nagsara kaya naipit ang biktima at nakaladkad nang umarangkada ang tren.
Naitigil naman ang tren nang maalerto ang makinista o nagpapatakbo ng tren.
Ipinaliwanag ni Bolario na first generation o mga unang tren ng LRT-1 ang nasangkot sa insidente na tuluyang nagsasara ang pinto kahit pa may maipit na bagay.
Tiniyak naman ng opisyal na may tauhan sila na nag-aasikaso sa pangangailangan ng naaksidenteng pasahero sa ospital. -- FRJ, GMA News
