Nagtamo ng mga sugat ang isang pasahero na sinaktan umano ng isang taxi driver matapos siyang umangal sa pangongontrata nito sa Makati City.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng nagrereklamong si Michael Benitez, na sumakay siya ng taxi na may plakang UVY-488 sa Magallanes, Makati nitong Huwebes ng madaling araw para magpahatid sana sa bus terminal sa Pasay.

Pero hindi pa man nakalalayo, napansin daw ni Benitez na hindi pinindot ng driver ang metro ng taxi.

"Nu'ng sumakay na ako sa harapan, pinaandar niya, nakita ko hindi niya pinindot ang metro. Sabi ko, 'Kuya bakit hindi mo pinindot ang metro?' 'Hindi okay na 'yang P200,'" kuwento ng biktima sa tinuran umano ng driver.


Pero iginiit daw ni Benitez na mag-metro ngunit ayaw daw pumayag ng driver dahil sa katwiran na hindi na ito makakukuha ng pasahero sa pupuntahan nilang destinasyon.

Dahil dito, sinabi ni Benitez na ibalik na lang siya kung saan siya sumakay.

Bagaman ibinalik naman si Benitez ng taxi driver, binatak naman daw ang kaniyang mga dala kaya nasira ang ilan sa mga ito. Sinita raw niya ang driver at kinunan ng larawan ang taxi.

Dito raw lalong nagalit ang driver.

"Dun na niya ako sinugod. Pinindot niya naman yung video. Napaikot-ikot niya ako. Ito ang naging kinalabasan. Paghila niya sa buhok ko, dinikdik niya ako sa pader," sabi ng Benitez.

Ayon sa ulat, mababakas pa sa biktima ang kalmot sa leeg at batok bunga ng pananakit umano ng driver na hindi nakuha ang pangalan.

Naipa-blotter na ng biktima sa pulisya ang nangyari, nag-pamedical, at handang magsampa ng reklamo kapag kumpleto na ang kaniyang mga dokumento.

"Itutuloy ko at pupuntahan ko po ulit yung police report ko sa Makati, yung physical injury na ginawa niya. Tapos yung nangongontrata siya," ayon sa biktima.

Nakausap na rin ng biktima si LTFRB board member Aileen Lizada para sa pagsasampa ng reklamo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News