Nauwi sa paluan at saksakan ang alitan ng dalawang grupo ng kalalakihan sa San Andres, Maynila na nagsimula umano sa alitan sa isang karaoke bar.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, makikita sa video footage ang isang lalaking matapos daw na mapalo ng baseball bat ng nakaalitang construction worker habang nakikipag-inuman sa isang karaoke bar sa San Andres Bukid sa Maynila noong nakaraang linggo.

May mga kasama ang lalaki na may hawak na pamalong kahoy, habang ang isa na nakilalang si Rene Tolin, armado ng patalim.

Hinabol ng grupo ni Tolin ang nakaalitang grupo ng mga lalaki pero hinarap sila ng isang armado ng baseball bat.

Matapos magkunwaring may baril ang isang kasama ni Tolin, umatras ang kabilang kampo pero hinabol sila ng kalabang grupo.

Inabutan ang nakuyog ang 52-anyos na Jessie Ferrer, na kinalaunan ay nakitang patay at may saksak sa katawan.

Ayon sa barangay kagawad na si Ronnie Sedon ng Barangay 765, tila nagmakaawa pa raw ang biktima pinagtulungan pa rin.

Nagharap sa barangay ang magkabilang kampo kung saan itinanggi ni Tolin na sinaksak niya si Ferrer.

Gayunman, inaresto si Tolin ng mga tauhan ng Manila Police District, at tatlo pa niyang kasamang nakunan sa CCTV.

Nahaharap sila sa kasong homicide kaugnay sa pagkamatay ni Ferrer. -- FRJ, GMA News