Isang 16-anyos na binatilyo ang nasawi matapos na tamaan ng bala sa mukha sa rambol ng dalawang grupo ng mga kabataan sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si John Paul Villanueva Mandia alyas Bingbong.

Sa kuha ng CCTV camera ng Barangay 108, makikita ang pormahan at kabulan ng magkabilang grupo.

Sa gitna ng kaguluhan, biglang bumulagta sa kalsada si Mandia na tinamaan na pala ng bala sa mukha.

Pero hindi malinaw sa video kung sino ang nakabaril sa biktima.

Kahit nakabagsak na, nagtuloy pa rin ang kaguluhan at may isang kasama ni Mandia sa grupo ang sumusugod sa kanilang kalaban at bumabalik na tila may isinusukbit sa kaniyang baywang.

Kinalaunan, binuhat nila si Mandia at dinala sa ospital pero pumanaw din.

Ayon sa ulat, kilala na ng mga pulis ang suspek na nakunan sa video na nagpaputok ng baril.

Sinabi naman ng kaibigan ng biktima, hindi nila alam kung bakit sila sinugod ng grupo ng suspek.

Pero may nakapagsabi umano sa kanila na may nagselos tungkol sa nobya ng isang tomboy.

Sinabi naman ng isang opisyal ng barangay na may mga armas na umano gaya ng baril ang mga nag-aaway na kabataan.

Nais naman ng pulisya na pairalin ang curfew sa lugar.

Patuloy na hinahanap ang suspek na hindi pa raw umuuwi matapos ang nangyaring rambol.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima. -- FRJ, GMA News