Isang 72-anyos na magsasaka ang nasawi nang barilin sa Baao, Camarines Sur. Ang nakikitang motibo ng krimen, pagnanakaw.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Domiciano Largo, na nagtamo ng tama ng bala sa batok, at namataang wala nang buhay sa labas ng kaniyang bahay.

Nawawala ang alkansiya ng lolo at ilang mamahaling bagay, at nagkalat din ang mga gamit sa loob ng kaniyang tirahan.

Samantala sa Zamboanga City, patay din ang isang babaeng magsasaka na nagtamo ng mga taga sa likod at leeg.

Kinilala ang biktima na si Brigida Alido na sinabing nagpaalam lang na pupunta sa sakahan pero hindi na umuwi kinagabihan, ayon sa kaniyang mister.

Blangko pa ang pamilya sa salarin at kung ano ang motibo sa krimen.

Sa Sarrat, Ilocos Norte naman, kulong ang waiter na si Carl Bryan Oalog matapos niya umanong sakalin ang isang barangay tanod.

Ayon sa ulat, tinangka pa ng suspek na tumakas pero nahabol din siya ng iba pang tanod.

Umamin ang suspek na siya'y nakainom at inakala niyang ang tanod ang dating nanakit sa kaniya. — MDM, GMA News