Para malaman daw ng Palasyo ang kalagayan ng Metro Rail Transit (MRT3), sumakay dito si Presidential spokesperson Harry Roque nitong Huwebes ng umaga pero hindi sa oras na siksikan at punuan ang mga bagon.

 


“Importante malaman ng Palasyo kung ano yung estado ng MRT at iyan ang dahilan kung bakit nandito tayo ngayon,” sabi ni Roque sa mga mamamahayag nang sumakay siya sa MRT North Avenue patungong Taft Avenue station.

“Bagaman hindi ito rush hour, alam natin na mas komportable ito, na-i-imagine natin ano ang hirap ng mga mananakay natin na kapag peak hours, mas mahaba ang pila. Problema, kulang bagon kaya napakahaba ng pila,” dagdag pa niya.

Pinabulaanan din ng opisyal na isang “PR stunt” o "papogi" ang ginawa niyang pagsakay sa MRT.

Dumating si Roque sa North Avenue station sa Quezon City dakong 9 a.m., at pumila ng may 15 minuto para bumili ng tiket bago nakasakay ng bagon. Mula sa Taft Avenue sa Manila, lumipat siya sa Light Rail Transit (LRT) EDSA Station patungong Central Terminal Station.

“Kung ginawa naman natin during rush hour, mumurahin ako ng mananakay sa dami natin,” sabi ni Roque sa mga mamamahayag.

“I think we have sent a message na alam natin ang pulso ng bayan, ang hirap ng mga mananakay. At ang mensahe, ginagawa natin lahat para maibsan ang paghihirap ng mga nasa MRT,” patuloy niya.

Batay sa kaniyang naging karanasan sa pagsakay sa MRT ngayong araw, sabi ni Roque; “Sa totoo lang, mahaba lang pila pero napakabilis naman at napakalamig.”

Sinabi din ng kalihim na dati na siyang sumasakay sa MRT. — FRJ, GMA News