Patay ang isang 78-anyos na lolo sa Caloocan City matapos na masagasaan ng isang trailer truck nitong Martes ng madaling araw. Ang nakadisgrasyang trak, dumiretso lang sa halip na huminto.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita," kinilala ang biktima na si Ricardo Ginco, na nahagip ng trak sa Rizal Avenue corner 5th Avenue ng nasabing lungsod bandang 2:30 ng madaling araw.
Ayon sa saksi na si Ernie John Garcia, nakasabay pa niya ang biktima sa pagtawid bago ito masagasaan.
"Pagtawid ko lang dito, sumabay naman siya paganoon, 'pag ganu'n niya, biglang dumaan yung 10-wheeler, tuloy-tuloy na. Sinagasaan talaga siya, lahat ng gulong inabot niya," sabi ni Garcia.
Panawagan ng kaanak ng biktima na si Rolando Herran, panagutan sana ng driver ang aksidente.
"Sana panagutan nila 'yung tiyuhin ko, hindi naman tama 'yung ginawa na ganyan," hinanakit niya.
Wala raw nakakita sa plaka ng trak kaya maghahanap ang mga pulis ng CCTV sa lugar sa pagbabakasakaling nakuhaan ang plaka upang matukoy kung sino ang may-ari nito.
"Kung ma-identify natin 'yung plate number, madali na lang po nating matingnan sa LTO [Land Transportation Office]," sabi ni PO1 Magno Cagurangan, imbestigador. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
