Nabulabog ang mga kostumer ng isang videoke bar sa Pasay City nang magpasiklab ang isang lalaki na armado ng baril at napag-initan ang isang grupo ng mga lalaking nagkakasiyahan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras," sinabing nangyari ang insidente nitong Lunes ng madaling araw, kung saan nahagip sa CCTV ang pagpasok ng suspek sa videoke bar.
Dumiretso ang lalaki sa CR pero nang palabas na, binalingan niya ang isang grupo ng mga lalaki sa isang lamesa na nakatitigan umano niya.
Lumapit ang suspek sa isang nakaupong kostumer na dinibdiban niya, at binato naman ng bote ng serbesa ang isa pa.
Nang mag-akmang papalag ang kostumer, bumunot ng baril ang lalaki at pinaputukan ang isa sa kanila pero suwerteng hindi tinamaan.
Bago umalis, tinadyakan pa niya ang isang kostumer at hinampas din ang isa pang lalaki.
"'Yung pinakaunang pumasok sa isip ko, kasi manganganak po 'yung asawa ko eh, gusto ko pa makita anak ko. Siguro, hindi ko alam kung paano ako nakaiwas," sabi ng lalaking kostumer na pinaputukan.
Hinala niya, pulis ang suspek dahil sa kasuotan nito.
"Kasi 'yung suot niya sir, naka-type B siya, na may guhit na gano'n at saka sapatos niya naka charol siya. Gusto ko sana mangyari, mahuli itong hinayupak na ito talaga," sabi ng biktima.
Hindi rin daw kilala ng manager ng videoke bar suspek.
Base pagsusuri ng Pasay police sa insidente, hinihinala nila na napagbuntunan ng suspek ng galit ang mga biktima dahil lumabas sa kuha ng CCTV sa labas ng videoke bar na tila nakaaway nito ang kasamang babae bago ito pumasok sa establisimyento.
Sa kuha ng CCTV, pagkaparada ang sasakyan ng suspek, at hindi siya kaagad bumaba.
"Ang tagal nila sa loob. We theorize na maaaring sila ay nagbabangayan sa loob kaya mainit ang ulo ng lalaki. Itong lalaki, itong suspek ay medyo nakainom," sabi ni Police Superintendent Gene Licud, Pasay PNP.
Pagkababa, muli siyang lumapit sa kasamang babae at nakipag-usap ulit.
Pinaghahanap ngayon ang suspek na umalis sakay ng itim na kotse na hindi natukoy ang plaka.
"Magiging bahagi 'yan ng ating pag-iimbestiga para malaman natin kung ito ba ay pulis o hindi at kung ito ay bahagi ng ating organisasyon so he will be subjected for investigation," sabi pa ni Licud. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
