Dinepensahan ng "I-Witness" ng GMA Public Affairs ang mga natuklasan nito sa dokumentaryong “Ibinasurang Paraiso” matapos kumalat online ang mga maling pahayag tungkol sa naturang episode.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng programa na mariin itong naninindigan sa mga katotohanang inilahad sa dokumentaryo ni Kara David, na sinuri ang epekto sa kapaligiran at sa mga tao ng isang open dumpsite sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol, Subic, Zambales, lalo na sa komunidad ng mga Aeta na naninirahan sa lugar.

Kasunod ng pag-ere ng dokumentaryo, sinabi ng "I-Witness" na nakakuha ng malawakang atensyon ng publiko ang isyu at muling nanawagan para sa aksyon. Idinagdag nito na naglabas ang Department of Environment and Natural Resources ng isa pang cease-and-desist order nitong buwan para sa ganap na pagsasara ng dumpsite.

Sa pahayag nito, tinugunan ng programa ang ilang mga pahayag na kumakalat online "seeking to discredit the documentary."

"We believe it is important to address these claims with the facts," saad ng programa.

Kabilang dito ang pahayag na matatagpuan umano sa isang pribadong ari-arian ang dumpsite.

“I-Witness spent more than a month researching and documenting the story. During that process, the team obtained a copy of the Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) issued by the National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), confirming that the area is part of the Aeta community's ancestral domain,” sabi nito.

Binanggit din nito ang mga record ng NCIP na tumutukoy sa Sitio Tibag na nasa loob ng kinikilalang ancestral domain ng Aeta Ambala Indigenous Cultural Community.

Pinabulaanan pa ng programa ang mga pahayag na walang mabahong amoy na nagmumula sa dumpsite, at sinasabing inilahad sa team ng mga residenteng nakatira malapit sa dumpsite na matagal na nilang tinitiis ang masamang amoy, lalo na sa panahon ng tag-ulan.

“Some families told the team they eventually left their homes because of its impact on their health and daily lives,” saad sa pahayag.

Sa pagtugon sa mga pahayag na nakatira ang komunidad ng mga Aeta ilang kilometro ang layo mula sa lugar, sinabi ng "I-Witness" na naitala ng kanilang team ang mga inabandonang bahay ilang metro lamang ang layo mula sa tambakan ng basura.

Iniulat din nito ang pagkabahala ang mga residente tungkol sa mga langaw, mabahong amoy, at isang kalapit na sapa na nagdadala ng basura na sinasabi nilang hindi na ligtas inumin.

“In addition, the I-Witness team interviewed the chieftain and council of elders of nearby Sitio Alibang, a larger community situated at the foot of the mountain. In recorded interviews, the community leaders confirmed that parts of their traditional hunting grounds and sources of livelihood are located within the same area as the dumpsite,” sabi ng programa.

Ayon sa “I-Witness,” pinatunayan ng mga natuklasan ang mga opisyal na dokumento ng gobyerno at naaayon din sa mga natuklasan at pagkilos ng DENR.

Binigyang-diin din ng “I-Witness” na, "it cannot be assessed solely by the presence or absence of nearby houses or by whether it emits a foul odor," ang epekto sa kapaligiran ng isang dumpsite, na sinasabing dapat ding isaalang-alang ang pangmatagalang epekto sa mga kagubatan, ecosystem, at kapaligiran.

Tinapos ng programa ang pahayag nito sa pamamagitan ng pag-ulit sa pangako para sa wasto, patas, at responsableng pamamahayag.

“Every documentary is grounded on extensive research and credible reporting. We stand firmly by the documentary and the facts presented in ‘Ibinasurang Paraiso,’” ayon sa programa.

Umere ang "Ibinasurang Paraiso" noong Hulyo 11 at mabilis na nag-viral, at nakakakuha ng malawakang atensyon ng publiko at mga bagong panawagan para sa aksyon.

Umabot na sa 3.3 milyon ang views ng episode na ito sa Youtube. Panoorin. -- Carby Basina/Jamil Santos/FRJ GMA News