Kinondena ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang umano'y pag-atake ng China Coast Guard sa mga sundalong Pilipinong nakatalaga sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa West Philippine Sea.

Kasunod ito ng pahayag ng Malacañang na sinusuportahan ng administrasyong Marcos ang matitinding pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng insidente.

"Alam po natin kung ano na ang naging statement ng Secretary ng DND, pati ang pamunuan ng AFP at ito ay kanilang kinukundina. Sinabi po na hindi tayo pasisiil. At pati ang DFA ay nagbigay na rin po ng pahayag. Kinukondena po niya, kinukondena po ng Pangulo ang mga ganitong klaseng pangyayari," sabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Martes.

Binasa rin ni Castro ang pahayag ng DFA:

"The DFA is in coordination with the AFP regarding the details of the incident. Any act of violence against Filipino personnel is unacceptable and will merit the appropriate diplomatic action. The DFA is committed to upholding the safety and well-being of Filipino personnel in BRP Sierra Madre who are lawfully performing their duties."

Ayon kay Castro, patuloy na ipaglalaban ng pamahalaan ang mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa kabila ng mga agresibong hakbang ng China sa pinag-aagawang karagatan.

"Kung ano ang kanilang naratibo, ganyan po ang kanilang maaaring sabihin. Hindi po natin ito saklaw. Pero ang pinaninindigan po natin kung ano ang karapatan natin at kung ano ang dapat lamang gawin ng ating mga opisyal at mga Filipino personnel. So sinusuportahan po natin ang mga ginagawa ng ating mga Filipino officials," giit ni Castro.

Nang tanungin kung isinasaalang-alang ba ni Pangulong Marcos ang mas matinding hakbang laban sa China, sinabi ni Castro na hindi dapat daanin sa karahasan ang paglutas sa mga alitan.

"Hindi po nadadaan sa dahas ang anumang pakikipaglaban sa karapatan. Hindi pinag-uusapan dito ang laki ng iyong teritoryo, ang lakas ng iyong puwersa. Kung pakikipaglaban sa katotohanan at kung ano ang iyong karapatan," paliwanag ng opisyal.

Inilabas ng Malacañang ang pahayag matapos kondenahin ng pamahalaan at ng mga kinauukulang ahensya ang inilarawan nilang pag-atake ng mga tauhan ng China Coast Guard sa mga sundalong Pilipinong nakatalaga sa BRP Sierra Madre.

Iginiit din ng DFA na hindi katanggap-tanggap ang anumang karahasan laban sa mga Pilipinong kawani at nararapat na tugunan sa pamamagitan ng angkop na diplomatikong aksyon.

Noong Lunes, makikita sa video ang ginawang paghampas ng mga tauhan ng China Coast Guard ang mga Pilipino Navy ang magkadikit ang kani-kanilang mga sasakyang pandagat. Isa sa mga sundalo ang pumutok ang ulo matapos umanong hampasin ng baton.

Sinita ng mga sundalong Pinoy ang mga tauhan ng CCG dahil sa paglapit ng mga ito sa BRP Sierra Madre, ang lumang barkong pandigma ng Pilipinas na nakasadsad sa Ayungin Shoal, at nagsisilbing kampo ng Pilipinas sa lugar.

Nangyari ito ilang araw matapos maghain ang Pilipinas ng diplomatikong protesta laban sa umano'y "racist" na AI-generated cartoon video na inilabas ng Chinese state media, na inilalarawan ang mga Pinoy na unggoy at pinapalalabas na minamanipula ng mga dayuhang puwersa.— FRJ GMA News