Nahuli sa closed-circuit-television camera ang magkahiwalay na insidente ng pamamaril ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo sa Tondo, Maynila, na nagresulta sa pagkakasawi ng isang biktima at pagkakasugat ng apat na iba pa.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, patay si Nanding Ocampo, 24-anyos, matapos siyang barilin ng riding in tandem habang naglalakad sa Barangay 108 sa Tondo.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikita si Ocampo na naglalakad pasado hatinggabi nang dikitan siya ng dalawang salarin na nakasakay sa isang motorsiklo at biglang siyang pinagbabaril.

Nadala pa sa ospital ang biktime pero idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at dibdib.

Ayon sa ina ng biktima, bago ang pamamaril ay pinauna sila ng kaniyang anak na umuwi na dahil sa bangketa na lang daw ito matutulog.

Wala raw silang alam na kaaway si Ocampo at hindi rin umano ito gumagamit, o nagtutulak ng droga kaya palaisipan pa ang motibo sa pagpatay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nakasuot ng maskara ang mga suspek pero kita sa CCTV ang plaka ang motorsiklo kaya aalamin kung sino ang may-ari nito.

Samantala, nakunan naman ng CCTV ang pagpulasan ng mga tao sa Barangay 83 sa Tondo rin nang mamaril ang mga salarin na nakasakay sa motorsiklo pasado hatinggabi rin.

Pinuntirya ng mga suspek ang grupo ng mga naglalaro ng "dice" at tinamaan ang apat na biktima na sina Ariane Isidro, Emiechael Borromeo, Virgilio Dela Peña at si Reggie Galace, na kritikal ang lagay dahil sa tama ng bala sa dibdib at iba pang bahagi ng katawan.

Stable naman daw ang lagay ng tatlo pang iba.

Ayon sa kagawad ng barangay, hindi lahat ng biktima ay residente sa kanilang lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa pamamaril. -- FRJ, GMA News