Isa na namang opisyal sa pamahalaan ang nakatakda umanong sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte.  Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, dapat sanang iaanunsyo ang pagsibak sa opisyal sa Enero 1 pero ipinagpaliban muna ito.

Sa panayam ng Super Radio dzBB nitong Lunes, sinabi ni Roque na ipinagpaliban lang pag-anunsyo sa pagsibak sa opisyal para makapagdiwang muna ito ng bagong taon.

"Pagdating doon sa laban sa korapsyon, nakita nyo naman po. Actually, dapat meron akong i-aanunsyo na sisibakin na naman. Ako na po ang nagdesisyon sa a-tres na ng Enero. Kasi gusto nga niya a-uno, 'I-announce mo, sibak na naman,'" ayon sa kalihim.

"Eh sabi ko, 'Huwag naman po, Mr. President. Pabayaan muna natin mag-happy new year 'yung sisibakin. Pagdating ng January 3 saka na natin siya sisibakin," dagdag ni Roque.

Umiwas si Roque na magbigay ng anumang pahiwatig tungkol sa pagkakakilanlan ng sisibaking opisyal.

"Alam n'yo naman noong nakalipas na buwan, ilan na iyon no, merong DAP, merong PCUP, merong Sueno, merong Laviña... Isang tao na naman po ang sisibakin ni Presidente," aniya.

"Aba'y siyempre [top-level]. Wala namang low-level na sinisibak si Presidente... Gusto niya na talaga mga mataba para magsilbing ehemplo. Walang maliliit na isda. Puro mga big fish ang ginagamit niyang ehemplo," saad pa ng kalihim. — FRJ, GMA News