Isang 26-anyos na lalaki ang nalapnos ang bahagi ng mukha at katawan ang posible pang mabulag sa kaliwang mata matapos umano siyang sabuyan ng asido ng mga hindi pa matukoy na salarin sa Urdaneta City, Pangasinan.
Sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Dante Dayag, na kasalukuyang nagpapagaling sa Region 1 Medical Center.
Posible raw ang pagkabulag ni Dayag, ayon sa mga doktor.
"Itong kanan, hindi masyado, ito (kaliwang mata) 'yung napuruhan. Ayaw pa kaming palabasin ng doktor kasi ia-ano pa daw nila para sa mata," sabi ni Neofita Dayag, nanay ng biktima.
Galing sa Urdaneta City noon si Dayag at pauwi na sa kanilang bahay sa Barangay Bobonan sa bayan ng Asingan nang mangyari ang insidente, ayon pa sa kaniyang ina.
"Papasok na sa amin, du'n sa barrio namin, tapos biglang may nag-overtake sa kanila sa kaliwa na motor naka-single din. Tapos biglang tumakbo. Akala ng anak ko napuwingan lang, sigaw nang sigaw," sabi pa ng nanay ni Dayag.
Ayon sa mga awtoridad, posbileng sinadya ng mga salarin ang pagsaboy ng asido kay Dayag dahil ginawa pa nilang mag-overtake.
"Kung sino man 'yan na gumawa sa anak ko, sana makonsensiya naman kayo kasi mahirap lang kami," panawagan ni nanay Neofita.
Patuloy na isinasagawa ng Asingan Police ang imbestigasyon sa insidente. —NB, GMA News
