Inihayag ni Philippine Charity Sweepstakes Office board member Sandra Cam na hindi siya natatakot sa umano'y pagbabanta at pambu-bully sa kaniya ng mga tauhan ni PCSO General Manager Alexander Balutan.

Nitong Huwebes, nagtungo sa Mandaluyong City Police Station si Cam para ipa-blotter ang pagbabanta ng isang tauhan umano ni Balutan na pasasabugin ang kaniyang opisina.

"Pumasok sila Balutan sa opisina ni chairman, ang opisina ko katabi lang ni chairman at marami siyang alalay na kasama at sinabi ng isang alalay niya, kasi nakunan ng tao [ko], ang sinabi eh saan ba dito ang opisina ni Sandra Cam? Pasabugin na natin," sabi ni Cam sa ulat ni Super Radyo dzBB reporter Rod Vega.

"So very serious ang kanilang ano, kung biro yun hindi yun biro dahil may CCTV ang lahat ng opisina diyan sa PCSO, magsalita ka nang ganyan, binu-bully na nila ako. So ako hindi ko 'to palagpasin," dagdag pa ng dating jueteng whistleblower.

Ikinokonsidera din umano ni Cam na magsampa ng reklamong grave threat laban kay Balutan. Ang mga pagbabanta ay nakukuha umano niya sa mga text message at tawag.

"Dumating ako sa aking lugar na isla pa yung pinuntahan ko, wala kaming ilaw, malakas ang ulan, may baha, malakas ang alon, papapatay-patay ang signal, may mga tumawag sa akin ng Saturday at Sunday, hinahalakhakan ako na parang si Satanas, at ang sabi sakin 'malapit ka na, ha ha ha, malapit ka na'," sabi ni Cam.

"So I considered [these] as grave threats at walang gagawa nito kundi ang dalawang heneral diyan sa PCSO...Mr. Balutan and Mr. [Jose Jorge] Corpuz. Ako'y nasa tamang landas, ako ay para sa taong bayan and I'm only accounted to the people of the Philippines and to President Rodrigo Duterte," giit niya.

Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang panig ni Balutan.

Binalewala naman ni Cam ang banta na patatalsikin siya sa puwesto ng Board.

"Doon sa sinasabi na ako ay tatangalin ng board, excuse me Mr. Balutan... tanungin mo muna ang mga abogado kung puwede... it's only the President who has the full right, he is the appointing authority and he is the only one who can take me out from this board," sabi ni Cam.

Nagsimula ang sigalot sa mga opisyal ng PCSO nang isiwalat ni Cam ang umanong maluhong Christmas party ng ahensiya sa EDSA Shangri-la Hotel na umabot umano ang gastos sa P10 milyon.

Itinanggi naman ni Balutan na alegasyon ni Cam at sinabing P6 milyon lang ang ginastos sa naturang kasiyahan, bagaman P14 milyon ang nakalaan na pondo para sa naturang Christmas party.

Sinuportahan ni PCSO chairman Jose Jorge Corpuz ang pahayag ni Balutan.— FRJ, GMA News