Pinagnakawan at pinatay sa sakal ang isang 89-anyos na babae sa loob ng kaniyang bahay sa La Paz, Iloilo City. Ang pangyayari, nakita sa CCTV camera ng kaniyang anak na nasa abroad.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Martes, inihayag ng mga awtoridad na dating trabahador sa negosyo ang lumalabas na suspek sa krimen.

Nakuhanan umano sa CCTV camera ang sinapit ng biktima, at napanood pa ito ng kaniyang anak na nasa ibang bansa.

Pinakiusapan umano ng anak ang kamag-anak na tingnan ang kaniyang ina at doon na nadiskubre ang sinapit ng biktima.

“Yung grab sa leeg, parang inipit sa leeg papunta na sa kitchen na way kasi ang kitchen nasa harap ng room ng matanda,” ayon kay Police Captain Gimel Acuesta ng Iloilo City Police Station 2.

Kinilala ang suspek na si Jerry Lima, tubong Mambusao, Capiz pero pansamantalang naninirahan sa Leganes, Iloilo. Dati umanong trabaho ng biktima ang suspek sa construction business nito.

Batay sa CCTV footage, kumatok ang suspek sa gate dakong 8:05 ng umaga noong Mayo 24 at pinapasok siya ng biktima. Ayon sa pulisya, posibleng inakala ng biktima na may transaksiyon ito kaugnay ng mga construction material.

Samantala, dakong 8:51 ng umaga naman nang makuhanan sa camera ang suspek na umaalis habang may dalang ilang gamit. Pinaniniwalaang ito ang mga ninakaw na relo, pera, at alahas na nakabalot sa damit.

Tinututukan ngayon ng mga awtoridad ang pagnanakaw at personal na galit bilang pangunahing motibo sa krimen.

Ayon kay Acuesta, pagnanakaw ang isa sa nakikitang motibo sa krimen dahil lulong umano sa sugal ang suspek.

Pinaniniwalaan ding pinagplanuhan ng suspek ang krimen dahil isinagawa niya ito sa araw na walang pasok ang mga kasambahay ng biktima.

Patuloy pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek.—FRJ GMA News