Ikinuwento ni Cristine Reyes na matagal na niyang kakilala ang kaniyang fiancé na si Gio Tingson.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, ibinahagi ng aktres na una silang nagkita sa isang fair ng Ateneo Grade School, at inimbitahan bilang bisita ang paaralan kung saan nag-aaral si Cristine.

Ayon sa aktres, Grade 6 siya noon habang Grade 7 naman si Gio.

"I got pulled sa marriage booth," ani Cristine. "Hindi siya 'yung groom, siya 'yung pari."

"Nahihiya ako, Tito Boy. So after nung kasal-kasalan, umalis ako agad kasi nahihiya ako eh. Eh 'yun 'yung first encounter ko with boys. All-girls school po ako eh," kuwento ni Cristine.

Ayon kay Cristine, hinanap siya ni Gio at hiningi ang kaniyang numero. Ibinigay naman niya ito ngunit gamit ang pangalang “Agent Orange” dahil orange ang suot niyang damit noon.

"Nung grade school, nung bata pa kami, lagi kaming telebabad. Four hours, five hours telebabad. But he never really asked me kung gusto niya 'ko maging girlfriend," sabi pa ni Cristine. "Ako naman, OK, sige magkaibigan tayo."

Nagbigay din umano ang kaibigan ni Cristine kay Gio ng litrato ng kanilang barkada, at itinago raw ito ni Gio sa loob ng 26 na taon.

Sa paglipas ng maraming taon, nanatiling may ugnayan sina Cristine at Gio dahil magkakilala rin ang kanilang mga kaibigan. Ngunit ayon kay Cristine, palaging may “tensiyon” sa pagitan nila.

"Hi, hello. May constant ano eh, may mutual silent attraction," ani Cristine. "Everybody knows it naman. My friends and friends niya, alam din naman na may parang tension sa 'ming dalawa. But we don't really parang engage. Kasi may individual life kami noon eh, may sarili siyang partner no'n, ako rin."

Nang pareho na silang single, nagtanong si Gio kay Cristine kung maaari silang mag-usap.

"We were always seeing each other right after campaigns," sabi ni Cristine, at idinagdag na magkaiba sila noon ng partido.

Ayon kay Cristine, seryoso silang nagsimulang mag-date noong 2025.

"Tinanong na niya 'ko, finally, after 26 years," patuloy niya.

"Lahat ng stages ng buhay namin, nagtatagpo kami, tapos until the very end, kami pa rin pala hanggang sa huli," dagdag niya Cristine.

Inanunsyo ni Cristine ang kanyang engagement kay Gio noong Mayo 20.

Dati nang ikinasal si Cristine sa professional MMA fighter na si Ali Khatibi noong 2016.

Mayroon silang anak na babae na si Amarah na ipinanganak noong 2015.

Noong Pebrero 2024, kinumpirma ni Cristine sa “Fast Talk with Boy Abunda” na napawalang-bisa na ang kaniyang kasal kay Ali. — Nika Roque/FRJ GMA News