Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na posibleng isampa na sa linggong ito sa Sandiganbayan ang kasong plunder at malversation laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay sa nangyari umanong anomalya sa paggamit ng pondo ng flood control projects. Isusunod naman umano si Senador Joel Villanueva.

"Hinog na hinog na, pipirmahan ko, maya-maya, iyong information against Senator Jinggoy Estrada. Plunder and malversation. Pinupulido lang namin," ayon kay Remulla.

“Hopefully, we will file it first thing in the morning by Thursday,” dagdag nito.

Ayon kay Remulla, ang nalalapit na pagsasampa ng kaso laban kay Estrada ay nakabatay sa rekomendasyon ng Department of Justice na isinumite noong Mayo 11, pati na rin sa hiwalay na imbestigasyon ng Ombudsman.

“It took a little while because when we read the Department of Justice (DOJ) Resolution, we saw that there were parts that needed corrections. Ayaw naming mag-file ng kaso na hindi pulido. We needed a week more to ensure that we would be able to present a clear-cut case before the Sandiganbayan,” paliwanag ni Remulla.

Sinabi rin ni Remulla na isa pang kasong plunder na may kaugnayan sa flood control ang inaasahang maisasampa sa loob ng dalawang linggo laban naman kay Villanueva.

“Hinog na rin. It is also plunder,” ani Remulla. “Maybe in two weeks.”

Tatlong batch na ng kasong malversation at graft kaugnay ng flood control scandal ang naisampa ng Ombudsman mula nang manungkulan si Remulla noong Oktubre 2025.

Nang hingan ng komento, sinabi ni Estrada sa isang ambush interview na kokonsulta siya sa kaniyang legal team hinggil sa susunod na hakbang kaugnay ng kaso.

“If this is the price that I have to pay for standing on my own principles and what I believe in, so be it,” saad niya.

Iginiit din ni Estrada na walang basehan sa opisyal na budget records ang alegasyong nagpasok siya ng pondo sa panukalang budget.

“Basta ang alam ko, sabi ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO), wala akong insertion katulad ng sinasabi nila noong first Blue Ribbon," giit niya.

"‘Yung ibinulgar ni Bryce Hernandez sa House na meron akong insertion, nagkataon na dito sa LBRMO, wala silang record na ako ay may insertion,” dagdag ni Estrada.

Nang tanungin kung may pulitika sa likod ng kaso, sumagot si Estrada: “Your guess is as good as mine.”

Una rito, idinawit ni Bryce Hernandez, dating opisyal sa Department of Public Works and Highways, si Estrada sa umano’y maanomalyang flood control projects sa pagdinig ng House Infrastructure Committee noong Setyembre.

Alegasyon niya, nagpasok umano ang senador ng P355 milyong halaga ng infrastructure projects sa Bulacan, na mariing itinanggi ni Estrada. — may ulat mula kay Sundy Locus/FRJ GMA News