Patay sa pamamaril ang isang barangay kagawag habang nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo sa Imelda, Zamboanga Sibugay.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing kagawad sa Barangay Gandiangan ang biktima.
Ayon sa Zamboanga Sibugay Police Provincial Office, bumibiyahe ang biktima sakay ng kaniyang motorsiklo nang pagbabarilin siya ng dalawang suspek na sakay din ng motorsiklo.
Kaagad na tumakas ang mga salarin matapos na gawin ang krimen.
Nakarekober ang mga imbestigador ng anim na basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa krimen. – FRJ GMA News
