Dalawampu't dalawang katao ang isinugod sa Ospital ng Tondo matapos silang makaranas ng pagsusuka, pagkahilo at pagtatae dahil umano sa kinain nilang inihaw sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "24 Oras," sinabing isinugod ang mga pasiyente pasado 7 p.m. nitong Biyernes matapos makakain ng inihaw na paninda ng tinderang si Divina Caballero sa Abad Santos Avenue.

Buong pamilya ni Kevin de Ocampo ang isinugod sa ospital.

"Kumain kami ng family ko ng inihaw, tapos after one hour, parang nakaramdam kami ng pagkahilo, tapos nasusuka 'yung mga anak ko," sabi ni De Ocampo.

Napansin naman daw nina AJ at Angela Dionisio na kakaiba ang lasa ng suka ng binili nilang inihaw para ulamin.

"Parang bumubula po 'yung suka, parang mapakla tapos may lasang chlorine," sabi ni AJ.

"Parang 'yung suka nila, parang iba 'yung lasa eh," obserbasyon ng isang Carlos dela Cruz.

Maging ang pamilya ni Caballero, kabilang ang anak, mga pamangkin at biyenan ay nalason din.

"Nagpaluto po ako kay mama ng dalawang isaw, tapos 'yun na po, nahilo na po," sabi ni Aliza Caballero, anak ng tindera.

"Sana po maging maingat po kayo sa mga binibenta niyo kasi po hindi niyo po alam naaakeptukan na po kami. Katulad po sa akin po, bukas po kasi midterm ko po eh. Hindi po ako makakapunta," panawagan ni AJ.

Ngunit ibayong pag-iingat daw ang ginagawa ni Caballero sa pagtitinda.

"Araw-araw ko pong ginagawa 'yon. Kaya alam kong malinis talaga. Inuulit ko pang niluluto po 'yon para mas masarap," sabi ni Caballero.

Binili raw ni Divina sa palengke ang sawsawan na suka, at humihingi siya ng paumanhin sa lahat ng na-ospital.

"Masakit din po sa kalooban ko nang dahil sa nangyari pero hindi ko po talaga sinasadya dahil pati pamilya ko nadamay ko rin po," sabi ng tindera.

Hawak si Caballero ng Manila Police District Station 7 habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente, kabilang ang pagpapadala ng sample ng suka sa Food and Drug Administration para masuri. — Jamil Santos/MDM, GMA News