Isang grupo ng mga kawatan ang nakunan sa CCTV camera na umatake sa isang tindahan at nakatangay ng bag na may lamang pera at cellphone. Ang mga salarin, magkakamag-anak umano at may kaniya-kaniyang papel na ginampanan para malito ang biktima sa Quezon City.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita ang grupo na naglalakad sa Barangay Payatas sa Quezon City nitong Miyerkules.
Paniwala ng isang opisyal sa barangay, magkakamag-anak ang mga suspek na may kaniya-kaniyang papel nang makita ang target na nanakawan na isang tindera ng saging sa bangketa.
Ang babaeng suspek, nagpapalit ng baryang pera at ipinabilang dahil hindi raw ito marunong magbilang.
Ang matandang babae na suspek naman, nagladlad ng payong na tila tinakpan ang ginagawang pagkuha sa bag ng biktima.
May isang lalaki pa at isang bata na nagpanggap na bibili para lalong maging abala at malito ang tindera.
Hindi nagtagal, lumabas na ang bata na may bitbit na bag na kaniyang inilagay sa hawak na sako ng isa pang lalaki.
Magkakasamang umalis sa lugar ang mga salarin at saka sumakay ng jeep.
Tinatayang nasa P3,000 cash, cellphone at alahas na aabot sa P20,000 ang halaga ang nasikwat ng mga kawatan.
Naniniwala ang taga-barangay na sanay na ang grupo sa kanilang masamang gawain batay sa naging sistema sa ginawang pagnanakaw sa tindera.
Naipa-blotter na ng biktima sa mga awtoridad ang naturang insidente. -- FRJ, GMA News
