Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng naganap na pagsabog sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Barangay 227 sa Tondo, Maynila. May mga nahuli naman dahil sa pagpapaputok ng baril.

Sa ulat ni Ian Cruz sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ni Polcie Major General Philipp Ines, tagapagsalita ng Manila Police District (MPD), na nagsasagawa na sila ng post-blast investigation kaugnay sa nangyaring pagsabog sa Narra Street.

Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa insidente pero tatlong bahay, at may mga gamit na napinsala.

Sinabi ng isa sa may-ari ng bahay na wala silang alam kung sino ang nagpasabog ng paputok. Napinsala rin ang kanilang washing machine at tricycle na umusad ng isang metro sa lakas ng pagsabog.

Samantala, dalawang lalaki ang dinakip ng mga tauhan ng MPD Station 4 sa Ligaya Street sa Sampaloc bandang 1 a.m. dahil sa indiscriminate firing.

Narekober sa kanila ang isang .45 na baril, siyam na basyo ng bala at isang magazine na may apat na bala.

Isang lalaki ang hinuli rin ng MPD Station 1 sa Santa Fe Street, Barangay 118 sa Tondo ng 2 a.m. dahil din sa pagpapaputok ng baril. Isang concerned citizen ang nagsumbong sa kaniya.

Narekober mula sa kaniya ang baril at mga bala.

Kasalukuyang inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa mga naaresto sa indiscriminate filing. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News