Patay na, walang saplot, nakagapos at balot ng packing tape ang mukha, nang makita ang bangkay ng isang 26-anyos na car trader sa isang masukal na bahagi ng Tagaytay City. Isa sa mga itinuturing person of interest sa krimen ang kaanak mismo ng biktima.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nakita noong Disyembre 23, ang bangkay ng biktima na kinilalang si John Lester Amin, 26-anyos.
“Initially, nakitaan natin siya ng mga saksak sa katawan. Maliban doon, wala na tayong nakitang other injuries po niya. It took us almost three days para ma-identify 'yung victim. Positibo na na-identify ng ka-live-in,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, Chief of Police ng Tagaytay Police.
Sinabi ng Tagaytay Police na umalis ng kanilang bahay sa Quezon City ang biktima noong Disyembre 22 para makipagkita sa grupo ng mga lalaking katransaksiyon niya sa negosyo.
“Meron tayong apat na person of interest. Identified na natin 'yung isa riyan. Isa sa mga theory namin diyan, may mga transaksiyon o nagtitinda ng sasakyan itong biktima – isa ‘yun sa posibleng tinitingnan nila. Kaya siya nagmamadaling umalis noong gabi na ‘yun. Recently siya na dini-dispose or tina-transact na sasakyan. ‘Yun ang initial natin na impormasyon,” sabi pa ni Manongdo.
Isa sa mga person of interest ang kaanak ng biktima na isa sa mga huling kasama umano ni Amin.
“Hindi natin makitaan na pinuwersa ‘yung ating biktima, bagkus ay parang sumama siya roon mismo roon sa sasakyan,” sabi pa ni Manongdo.
Nasa pulisya na ang mga CCTV video na kuha sa magkahiwalay na lugar sa loob at labas ng Metro Manila gabi na huli siyang nakitang buhay.
Ayon sa pulisya, may sapat silang ebidensiyang hawak.
“Palakasin natin ang loob nu’ng kaniyang ka-live-in upang maisampa na… kailangan na natin ‘yung statement niya. Actually may mga ebidensiya na tayo na nagko-collaborate na roon sa initial statement niya, nagka-connect na,” ani Manongdo.
Pinuntahan ng GMA Integrated News ang last known address ng biktima at kaniyang kinakasama, ngunit sinabi ng Homeowners Association President na hindi nila kilala ang biktima.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News