Tatlong manggagawa sa isang poultry farm ang nasawi matapos umanong ma-suffocate habang nasa loob ng septic tank ng isang sakahan sa Misamis Oriental noong Martes, Disyembre 30, 2025. Ang trahedya, nag-ugat umao nang aksidenteng mahulog sa loob ng tangke ang pares ng plais na tinangkang kunin ng isa sa mga biktima.

Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Miyerkules, tinukoy ang mga nasawi sa insidenteng nangyari sa Barangay Sampatulog sa bayan ng Alubijid, na isang 26-anyos na farm manager, isang 43-anyos na farm worker, at ang anak nito na 16-anyos.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, aksidenteng nahulog umano sa septic tank ang isang pares ng plais na hawak ng farm manager habang hinihintay nilang bumaba ang antas ng wastewater mula sa tangke.

Ngunit hindi pa man nauubos ang maduming tubig sa loob, pumasok na umano ang unang biktima sa septic tank para kunin ang nahulog na mga plais. Subalit nahilo siya at nawalan ng malay dahil sa nakalalasong gas, at kakulangan ng oxygen sa loob.

Sunod na pumasok sa septic tank ang 43-anyos na manggagawa upang iligtas ang farm manager pero nawalan na rin siya ng malay sa loob.

Kalaunan, tumalon na rin sa loob ng septic tank ang anak ng manggagawa upang tulungan ang kaniyang ama, ngunit na-suffocate din siya.

Ang iba pang manggagawa sa sakahan, giniba na ang kongkretong pader ng septic tank upang mailabas ang tatlo at agad na humingi ng tulong medikal. Gayunman, idineklara na ang mga biktima na dead on arrival sa ospital. – FRJ GMA Integrated News