Umabot na sa 235 ang naitalang firework-related injuries sa buong bansa mula December 21, 2025 hanggang 4 a.m., ngayong Enero 1, 2026, ayon sa Department of Health (DOH).

Ang naturang bilang ay mas mabababa umano ng 42% kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na 403 kaso.

Ayon pa sa DOH, 62 ng mga biktima ng paputok ay naitala nitong bisperas ng Bagong Taon, o sa pagsalubong sa 2026.

Batay sa datos, 161 ng mga biktima ay edad 19 pababa.

Pangunahing nakasugat sa mga biktima ay hindi tukoy na uri ng paputok, Boga, at 5-Star.

Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, ang magiging final report ng mga biktima ng paputok ay sa unang linggo ng 2026.

“Even as we see today a lower than last year count for fireworks related injuries, the DOH anticipates that late reports will come in from today Jan 1 all the way to Jan 5. We hope the lower count will stay,” saad ng opisyal sa pahayag.

Pinayuhan din ni Domingo ang publiko na nagtamo ng sugat dahil sa paputok kahit na maliit ay magpunta sa ospital para mabigyan ng kaukulang atensyong medikal.

“In the meantime, all who had encounters with fireworks, no matter how small the wound, should seek consultation at the nearest hospital to avoid tetanus," payo niya.

"Symptoms do not appear until around 8 days, some up to 21 days later, and they can be deadly. Vaccination against tetanus is available at hospitals,” dagdag ni Domingo. — Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News