Arestado ang isang lalaki na nang-carnap na sa Caloocan City, nang-holdup pa gamit ang toy gun sa isang gasolinahan sa Baliuag, Bulacan, nang maharang siya ng mga awtoridad sa isang checkpoint.
Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Pedro Orong, na tumangay diumano sa isang pulang AUV mula sa kaniyang pinapasukan.
Sa CCTV, makikitang dumating si Orong sa gasoline station sakay ng tinangay niyang SUV at nagpagasolina. Ilang sandali pa ang lumipas, dumating din ang isang tricycle at nagpagasolina rin.
Nang matapos ang pagpapakarga, bumaba si Orong bitbit ang toy gun saka nagdeklara ng holdup. Nagpunta siya sa puwesto ng nagpapagasolinang tricycle at puwersahang kinuha ang bag ng isang pasahero.
Agad namang naiparating ng gasolinahan sa pulisya ang pangho-holdup kaya nadakip sa checkpoint si Orong.
"Nasabat itong Adventure na ginamit ng suspek. It turned out na 'yung kaniyang baril na gamit-gamit ay isang toy gun," sabi ni Superintendent Froilan Uy, hepe ng Baliuag Police.
Tatlong reklamo ang kinahaharap ngayon ng suspek.
"Bale lalabas na mayroon siyang kaso laban sa kaniya sa refill at du'n sa inagawan niya ng bag. At saka ngayon, 'yun pong carnapping niya sa Caloocan, bale tatlo," sabi pa ni Uy. — Jamil Santos/MDM, GMA News
