Natukoy na ang pagkakakilanlan ang isa pang suspek na napatay sa shootout sa Muntinlupa City nitong Huwebes ng umaga kung saan dalawang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang tinambangan at napatay din.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes ng hapon, kinilala ang nasawing suspek na si Police Officer 1 Jover John Lardizabal, na isa umanong aktibong pulis.

Kinilala umano si Lardizabal ng ka-live in nito.

Una nang pinangalanan ang isa pang napatay na suspek na si Arnel Rubio,  dati umanong pulis na natanggal sa serbisyo noong 2016.

Napatay sa naturang pananambang sa harapan ng Muntinlupa City Jail sina Jail Officer 2 Jelmer Malindao at Jail Officer 1 Felino Salazar.

Base sa imbestigasyon ng Muntinlupa police, hindi bababa sa apat na suspek na nakamotorsiklo ang namaril kina Salazar at Malindao paglabas nila ng city jail.

Rumesponde naman at nakipagbarilan ang ibang pang jail officer na nagresulta sa pagkakasawi kaagad ng isa sa mga suspek, habang sa ospital naman binawian ng buhay ang isa pa.

Dinakip naman ng Muntinlupa police ang tauhan ng Bureau of Corrections na si Police Guard 1 Dee Jay Tanael, na kasama umano ng grupong namaril kina Malindao at Salazar.

Sinabi ng Muntinlupa police na nasa drug watchlist ng National Capital Region Police Office ang jail officer na si Salazar, habang malinis naman daw ang record ni Malindao.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad pero may posibilidad umano na may kinalaman sa droga ang naturang insidente. -- FRJ, GMA News