Patay ang isang pulis matapos barilin sa harap ng isang bakery sa Maynila ng mga salaring sakay ng motorsiklo. Ang kausap ng biktima na barangay kagawad, binaril din.

Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA News TV "QRT" nitong Lunes, kinilala ang nasawing biktima na si Senior Police Officer 1 Tedorico Arabe.  Malubha naman nasugatan at binaril din si barangay kagawad na Emiliano Ajon.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-uusap ang dalawang biktima sa tapat ng bakery na nasa kanto ng Tomas Mapua at Yuseco St., nang kapwa sila barilin sa ulo ng mga nakatakas na salarin nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa kaanak ni Arabe, na nakadestino sa Traffic Bureau ng Maynila, nakagawian na raw ng pulis na dumaan sa bakery para bumili bago umuwi.

"Pagtalikod namin may pumutok na baril. Pagtingin namin, nakabulagta na," ayon sa trabahor ng bakery.

Hindi pa tukoy ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaril. Pero batay sa anak nito, may nabanggit daw noon ang ama tungkol sa natatanggap na banta sa buhay.

"Hindi niya pinangalanan kung sino yung mga 'yon, siyempre pulis marami talagang galit," ayon sa anak ng biktima.

Bago nadestino sa traffic bureau, natoka si Arabe sa anti-illegal drugs operation.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung may kaugnayan sa kaniyang trabaho ang pagpatay sa biktima.

Samantala, wala naman daw alam ang mga kaanak ni Ajon na kaaway nito.

Bagaman may CCTV sa lugar na pinangyarihan ng krimen, ang isa ang nakatutok sa lugar kung saan binaril ang mga biktima pero mayroon umano itong password na tanging si Ajon ang nakakaalam.-- FRJ, GMA News