Nambulabog ng mga residente sa Potrero, Malabon ang isang sawa na 12 talampakan ang haba nang madiskubreng nagtatago sa isang bodega. Ang ahas, hindi basta-basta nagpahuli sa mga tanod ng barangay.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kaagad na nagpatulong sa mga tanod ang mga residente nang makita ang sawa para hulihin.

"Nakita namin gumagapang siya paganun-ganun na ano. Nahihirapan kami, 'di namin mapasok. Nung sumungaw na ganun yung ulo, dinakma naman nitong kasama ko si Tamayao. Pinagtulungan na naming ganun din sa loob," ayon kay Henry Ranay, executive officer ng barangay.

"Ang paghuli diyan kailangan mabilis ka rin. Kapag gumanun, 'wag mo nang huhulihin. Kailangan nakatalikod 'yan sabay dakma sa leeg. 'Di na makakaporma 'yon, tapos hihilahin mo na lang siya," paliwanag ng tanod na si Matias Tamayao.

Habang itinatali ang bibig ng ahas, isang tanod ang nasaktan nang matusok ang daliri niya ng hindi malamang matulis na parte na nasa ilalim ng bibig ng sawa.

"Nung pagkahawak ko po sa ulo, sa ilalim, may tumusok po na 'di ko po alam kung pangil o balbas ng ahas. Yun po biglang hinila ko po bigla, tinali ko na uli," ayon sa tanod na si Roldan Paragua.

Pero kahit hawak na at may bakabalot na electrical tape ang bibig, nagpupumiglas pa rin ang sawa at pumulupot pa sa kamay ng tanod kaya nabitawan ang ulo nito.

Mabuti na lang at hawak naman ng isa pang tanod ang bandang buntot ng sawa kaya muli itong nahuli bago tuluyang nailagay sa sako.

Dadalhin umano ng mga tanod ang sawa sa kinauukulang ahensiya.

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na may nahuling sawa sa barangay. -- FRJ, GMA News