Napakahabang pila na umabot hanggang sa footbridge ang bumungad sa mga pasahero sa MRT North Avenue Station sa Quezon City nitong Miyerkoles ng umaga.
Sa ulat ng GMA News TV "News To Go," ipinakita ang mga larawan sa naturang pila na nakunan ng netizens dakong 7:00 a.m.
Sinabing tumagal umano ng isang oras ang pila, bago nakasakay ng tren ang mga pasahero. Ang iba na hindi na nakapaghintay ay sumakay na lang ng bus.
Maging sa Quezon Avenue Station ng MRT ay nagkaroon din ng napakahabang pila dahil sa matagal daw na pagdating ng mga tren.
Mahabang pila rin ang sumalubong sa mga pasahero ng MRT Taft Avenue Station.
Sinasabing pitong tren lang umano ng MRT ang tumatakbo dakong 9:00 a.m.
Ayon naman sa abiso ng MRT, nagkaroon naman ng electrical failure sa Guadalupe at Magallanes Station kaya may mga pasahero rin na pinababa nitong umaga.-- FRJ, GMA News
