Humantong sa pakikipagbarilan laban sa mga awtoridad ang pangho-holdup umano ng tatlong lalaking sakay ng motor sa Tondo, Maynila, at doon nasugatan ang dalawa sa mga suspek. 

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nasa ospital na ang isa sa mga suspek, samantalang nakatakas ang dalawa pa, kasama ang isang may tama rin.

Nakuha sa CCTV ang pagdating ng tatlong suspek na nakasumbrero pasado 11 p.m. sa isang gasolinahan sa Road 10 sa Tondo.

Makikitang bumaba ang lalaking angkas sa gitna at tila may binunot na baril. Sinundan siya ng isa pa, at nagtungo ang dalawa sa cashier ng gas station para kausapin ang nasa loob nito.

Ilang sandali ang lumipas, tinutukan na nila ng baril ang cashier.

Ngunit agad na nakaresponde ang dalawang nakasibilyang pulis bago pa makapang-holdup ang mga suspek.

Nauwi ito sa palitan ng putok sa pagitan ng mga suspek at ng mga pulis.

Nakatakas ang dalawa sa mga suspek gamit ang motor.

"'Yung dalawa po, under follow-up pa po kami dito sa may building. May tama na rin po 'yung isa eh kaya po 'yung mga tropa natin na nagpa-follow up for possible apprehension of the remaining two suspects," pahayag ni Superintendent Jay Calimlim Dimaandal ng Manila Police District Station 1.

Maaaring ang mga suspek din ang dahilan ng mga shootout na nangyayari sa lugar.

"Kasi itong area na ito, prone ito. Halos tatlo na 'yung shooting incident sa area na 'to along R10. What I did, naglagay po tayo dito ng mga pulis na covered security, naka-civilian." —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News