Tinawag na "fake news" ni Senador Grace Poe ang lumabas na impormasyon na isinusulong niya na ipa-block ang social media giant na Facebook sa Pilipinas.

“'Yan ang fake news. Hindi totoo 'yan. First of all, that’s counterproductive… Mali. Yun talaga ang disinformation,” saad ni Poe sa pahayag nitong Huwebes.

Ang tinutukoy ni Poe ay ang video post na pinutol-putol umano para palabasin na nais niyang ipa-block ang Facebook sa bansa.

Ayon sa senadora, nais lamang ng nasa likod ng naturang video na siraan siya at ang isinasagawang pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate committee on public information and mass media, tungkol sa pagkalat ng fake news.

Sa ginanap na pagdinig ng komite nitong Miyerkules, nagbabala si Poe dahil ginagamit sa pagpapakalat ng maling impormasyon ang social media.

“What we don’t know or refuse to recognize is that Facebook can act like an echo chamber, reflecting back only news that you like,” sabi ni Poe.

“Ang problema, dahil paulit-ulit na lang ang nakikita natin, hindi na tayo nagiging mapanuri. Tinatanggap na lang natin ang impormasyon kasi inaakala natin na yun din ang pinaniniwalaan ng karamihan ng tao na nakapaligid sa atin,” dagdag niya.

Sa naturang pahayag, sinabi ni Poe na ipinost ng kaniyang mga tauhan sa kaniyang FB page ang buong video para malaman ng publiko ang katotohanan.

"We’ve come up also with our own video of the proceedings, kasi it [video circulating online] was spliced. If you’re conscientious enough and you really want to find the truth,…kasi kapag ayaw mong malaman ang katotohanan madali namang kalimutan 'yan,” saad niya.

Ayon pa kay Poe, batid niya na hindi magugustuhan ng netizens kapag ipinatigil ang Facebook sa Pilipinas kaya siya man ay tututol kapag may nagpa-block sa naturang social media.

“Not that we’re going to do this. I’ll be the first to disagree if they do. But let’s say, can you block a particular company like Facebook from being accessed in the Philippines?" sabi ni Poe.

"Of course that would spark a revolution and we know that. But what I’m saying is this: They’re banking on their popularity but we should also assert their accountability to us,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Poe na ipatatawag pa rin ng kaniyang komite ang Facebook at search engine Google para pagpaliwanagin tungkol sa kanilang sistema ng "algorithms."

Patuloy namang nanawagan si Poe sa publiko na maging mapanuri at magsagawa ng "cross-check" sa mga nakikita nilang impormasyon sa social media para malaman kung totoo o kasinungalingan.

“We should be able to inform the citizens that they should be able to cross-check information that they get online," saad niya. —FRJ, GMA News