Tila nakatagpo ng karamay ang isang baby Japanese macaque na inabandona ng ina, sa isang stuffed orangutan na dala-dala at kasa-kasama nito ngayon sa isang zoo sa Ichikawa, Japan.
Sa ulat ng Reuters, sinabing inabandona ang baby Japanese macaque na si Punch ng kaniyang ina matapos isilang pitong buwan ang nakararaan sa Ichikawa City Zoo, kaya isang nagmamatiyag ang nag-ulat nito sa mga zookeeper, na agad namang umaksyon.
Kadalasang kumakapit ang mga Japanese baby macaque sa kanilang mga ina para tumibay at lumakas ang kanilang mga kalamnan, para na rin sa seguridad. Kaya naman kinakailangan ng agarang aksyon para kay Punch, ayon sa zookeeper na si Kosuke Shikano.
Nag-eksperimento ang mga tagapangalaga ng mga posibleng pamalit sa ina, gaya ng mga nakarolyong tuwalya at iba pang stuffed animals bago ibinigay ang orange at bug-eyed na orangutan, na ibinebenta ng Swedish furniture brand na IKEA.
“This stuffed animal has relatively long hair and several easy places to hold," sabi ni Shikano. "We thought that its resemblance to a monkey might help Punch integrate back into the troop later on, and that’s why we chose it."
Magmula nito, bihira nang makita si Punch na hindi kasama ang stuffed orangutan, na kinakaladkad ito saan man magpunta kahit mas malaki ito kaysa sa kaniya.
Kinagiliwan naman ito ng fans ng Japanese baby macaque, na dumagsa sa zoo simula nang mag-viral ang mga video ng dalawa.
“Seeing Punch on social media, abandoned by his parents but still trying so hard, really moved me," sabi ng 26-anyos na nurse na si Miyu Igarashi. "So when I got the chance to meet up with a friend today, I suggested we go see Punch together.”
Ayon kay Shikano, posibleng iniwan si Punch ng kaniyang ina dahil sa matinding init noong Hulyo nang manganak ito.
May ilang pagkakaiba si Punch sa ibang mga unggoy habang sinusubukan niyang makipag-ugnayan sa kanila, ngunit sinasabi ng mga zookeeper na bahagi iyon ng proseso ng kaniyang pagkatuto at patuloy siyang nakikisama sa grupo.
"I think there will come a day when he no longer needs his stuffed toy," sabi ni Shikano. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News

