Nagtamo ng mga sugat sa ulo at likod at kailangan pang operahan sa spine ang isang tauhan ng Maynilad matapos siyang magulungan ng isang SUV habang nag-aayos ng valve sa isang manhole sa Santa Mesa, Maynila.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Unang Balita," kinilala ang biktima na si Jason Dacayanan, na nakunan ng video na nagkukumpuni sa manhole sa kanto ng Teresa at Old Santa Mesa Streets noong nakaraang linggo.
Nakatayo si Dacayanan sa loob ng manhole habang nakaangat sa likod niya ang takip nito.
Dumating ang isang puting SUV na minamaneho ni Mark Anthony Canicon, lumiko at nagulungan ang tauhan ng Maynilad.
"Nasagi po ng puting sasakyan 'yung takip sa may Maynilad pero may nakaharang na po iyon eh. Bigla na lang bumagsak 'yung takip, nabagsakan po 'yung tao sa loob. Nakita namin 'yung tao, tinulungan na namin, hilong hilo 'yung tao," ayon kay Jerome Caparas, isang saksi.
Pinahinto naman ng isang lalaki ang SUV kaya tumigil si Canicon.
Ayon pa kay Caparas, naipit ang ulo ni Dacayanan sa takip ng manhole.
Sa kuha naman ng CCTV ng Barangay 591 Zone 58, makikitang umangat ang SUV nang magulungan ang biktima. Hindi malinaw kung may early warning devices sa paligid ng manhole, ngunit makikita na may nakaladkad na orange traffic cone ang SUV.
Naka-confine sa ngayon ang biktima sa ospital, kung saan isinugod ni Canicon at ng isa pang tauhan ng Maynilad and biktima.
Nagkasundo ang driver ng SUV at ang biktima na hindi na magsasampa ng kaso basta sasagutin ni Canicon ang mga gastusin sa ospital.
"Sa pamilya po ng naaksidente lalo na kay Jayson, humihingi po ako ng sorry. Hindi ko po intensyon na maaksidente at malagay sa alanganin... Tutulong po ako sa abot ng aking makakaya," sabi ni Canicon.
Ngunit sinabi ni Canicon na naiwasan sana niya ang aksidente kung may inilagay na signages ang Maynilad.
"Sana kung nagkaroon lang po sila ng sapat na safety precautionary measures, signage at tao po na mag-a-assist," sabi pa ni Canicon.
Ayon naman sa barangay, hindi nila alam na may inaayos ang Maynilad noong araw ng linggo.
"'Yung Maynilad po nag-o-operation sila ng ganu'n. Hindi po sila nakipag-coordinate sa barangay," saad ni Sec. Grace Santiago, Bgy. 591 Zone 58.
Depensa ng Maynilad, walang mangyayaring excavation at hindi magtatagal ang kanilang pag-aayos kaya hindi na kailangan ng permit sa barangay.
Bukod dito, naglagay din sila ng dalawang traffic cone sa kalsada bilang early warning device, pero aminado silang hindi ito alinsunod sa kanilang safety protocols na nagtatakda ng mas maraming early warning device.
Sinisiguro ng pamunuan ng Maynilad na susunod sa safety protocols ang mga empleado at kanilang mga contractor sa hinaharap. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
