Susuriin ng mga awtoridad ang mga CCTV footage upang alamin kung papaano napulot ng dalawang bata ang paputok na sumabog sa kanila na ikinasawi ng isa, at malubhang ikinasugat ng isa pa sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabi ni Manila Police District spokesperson Police Major Philipp Ines, na aalamin nila kung kanino nanggaling ang paputok at papaano ito napunta sa mga bata.
“Kung magkakaroon tayo ng mga kuha ng CCTV na magsasabi na ito talagang mga paputok na ito ay talagang iniwanan doon at naging dahilan kung bakit nadisgrasya itong mga ito ay may pananagutan siya sa batas,” ayon kay Ines.
Dagdag ni Ines, “Based sa investigation ng EOD ay kahalintulad yung paputok sa ‘Goodbye Philippines’ at ‘Goodbye Bin Laden’ na gawa sa cylinder. Nagsindi daw sila ng piccolo then nagsindi din yung hawak ng bata na malakas na paputok.”
Napag-alaman naman kakapagdiwang pa lang ng kaarawan ng nasawing biktima na si Caezar Ruzcel noong December 26.
“Malambing lalo pagka may hinihingi siya at binigay namin nagte-thank you siya sa amin. ‘Yun na nga lang talaga yung kakulitan hindi naman namin maano kasi nga bata,” ayon sa nagdadalamhating ina na si Maricel.
Sa CCTV footage, makikita ang dalawang biktima na umupo sa bangketa at sinindihan ang napulot nilang mga paputok, at nangyari na ang pagsabog.
Sa lakas ng pagsabog, nag-iwan ng uka sa bangketa at nabasag ang salamin sa isang establisimyento.
Kaagad na nasawi si Caezar Ruzcel, habang kailangan namang sumailalim sa operasyon ang kaniyang kaibigan na nagtamo ng matinding pinsala.—FRJ GMA Integrated News
