Nahuli-cam sa Cebu City ang pagbangga ng isang motorsiklo sa railings sa Barangay Banilad. Ang rider, lasing umano at nakatulog pa rin sa kabila ng nangyari kaya natangay ng kawatan ang kaniyang motorsiklo.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita sa video footage na napahiga sa kalsada ang rider na galing umano sa party matapos na bumangga siya sa railings.
Ayon sa police report, ang mga tao na rumesponde, inilipat ang rider sa bangketa at hinayaan siyang matulog. Itinabi rin ang kaniyang motorsiklo.
Ngunit ilang saglit lang, makikita na isang lalaki ang lumapit sa natutulog na rider at kinuha sa bulsa niya ang susi ng motorsiklo, na tinangay nito.
Kinabukasan na nakapagsumbong ang rider sa nangyari sa kaniya, at pagkawala ng kaniyang motorsiklo.
Natunton naman kinalaunan ang motorsiklo ng rider na naibenta sa pamamagitan ng pagpalit sa shabu na nagkakahalaga ng P7,000.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang bumili sa motorsiklo, at pagpapaliwanagin din sa umano’y shabu na ipinambayad sa kawatan ng sasakyan.—FRJ GMA Integrated News
