Isa ang nasawi at 28 ang nasugatan matapos tumagilid ang isang bus sa Marilaque Highway sa Infanta, Quezon nitong Lunes ng umaga. Pero ayon sa mga awtoridad, hindi dapat dumaan sa naturang highway ang bus.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB, sinabi ng Philippine National Police (PNP) Calabarzon na nangyari ang insidente dakong 10:30 a.m.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nag-over-shoot ang bus sa pakurbang bahagi ng highway at bumangga sa roadside barrier bago tumagilid.

Isa sa mga sakay na mga youth leader ang nadaganan at nasawi.

Sa hiwalay na ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras,” sinabing mga miyembro ng Sangguniang Kabataan ang mga biktima at patungo sa isang excursion. 

Nasa kustodiya ng pulis ang 46-anyos na driver ng bus habang patuloy ang imbestigasyon.

Ngunit dahil sa laki ng bus, hindi raw ito dapat dumaan sa Marilaque Highway, ayon sa awtoridad. 

“Actually hindi po ‘yan intended para sa mga bus ang Marilaque Highway. Hindi po dapat sila diyan dumadaan dahil uneven po ‘yung roads. Medyo shard din, sharp po ang curves at matarik dahil part po ‘yan ng Sierra Madre. Ang talagang ruta po nila ay dito po dapat Famy area. Ang pagkakabanggit ng driver ay gumamit ng Waze, itinuro po sila dito sa daan po ng Marilaque,” sabi ni Infanta Police acting chief Police Major Fernando Credo. – FRJ GMA Integrated News