Arestado ang dalawang lalaki matapos nilang hablutin ang cellphone ng isang estudyanteng nag-aabang ng masasakyan sa Quiapo, Maynila.
Ang mga suspek, mga mag-aaral pala ng kursong criminology.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga suspek na sina Elmer Caspe at Jerickson Sajun.
Nangyari ang insidente sa Legarda Street pasado alas-kuwatro ng hapon, nang hinablot ng mga nakamotorsiklong suspek ang cellphone ng babaeng biktima.
"Pagkalabas ko po, biglang may humablot po ng cellphone ko. Hinabol ko po siya nang konti tapos hindi ko na po siya nahabol. Bigla pong dumiretso na po 'yung motor," ayon sa biktima.
Ngunit may dalawang concerned citizens ang tumulong sa babae, at sinabing kilala nila ang ang rider. Hinanap nila ito gamit ang Facebook.
"May dalawa pong babaeng nagsalita na kilala po nila 'yung isa sa nakasakay ng motor. Sinearch (search) po ng babae 'yung pangalan po ng lalaki sa FB tapos nahanap niya po," sabi pa ng biktima.
Iniulat ng biktima sa Barbosa Police Station ang pagnanakaw, at natukoy ng mga pulis ang address ng rider na si Caspe dahil may naka-post na I.D. nito sa Facebook.
Nakipagtulungan ang Barbosa Police sa Sampaloc Police Station na nakakasakop sa tirahan ni Caspe.
Tiyempo namang inaayos ni Caspe sa Lacson PCP ang ulat kaugnay ng kaniyang aksidente, kaya sa presinto rin siya dinakip ng mga awtoridad.
"Bigla naman ding dumating 'yung suspek. So pagdating nu'ng suspek, kinurdon na ng tropa natin tapos tinawag 'yung complainant 'yung babae at positibong itinuro," sabi ni Police Chief Inspector Marlon Mallorca, commander ng Barbosa PCP.
Nahanap din at inaresto ng mga pulis sa Sampaloc, Maynila si Sajun, na siya namang angkas at umagaw sa cellphone ng biktima.
"Itinuro niya kung kanino niya ipinatago 'yung cellphone at nakuha naman namin. At the same time, itinuro din niya 'yung kasama niya kung nasaan," sabi pa ni Mallorca.
Ipinarada pa mismo ng mga suspek sa barangay hall ang motorsiklong ginamit nila sa pagnanakaw, kaya natagpuan din ito ng mga pulis.
Aminado ang dalawang suspek sa kanilang krimen.
"Nabigla lang ho kasi kami kasi 'yung time na 'yun, talagang nakatutok sa 'min 'yung cellphone. Kumbaga, napagtripan lang ho namin," sabi ni Sajun.
"Nabigla lang ako, biglang hinablot niya (Sajun) 'yung cellphone," sabi ni Caspe.
Nang tanungin si Caspe kung may makukuha siyang pera sakaling mabenta ang cellphone, "Siguro po paghahatian namin, ganu'n," kaniyang sagot.
Gusto raw ni Sajun ang kursong criminology. "Ayun lang po 'yung tanging gusto ko eh, wala na pong iba."
Ngunit dismayado ang mga pulis sa kanilang krimen.
"Wala silang karapatan para maging pulis dahil hindi pa nga sila pulis, sila na 'yung kalaban ng pulis," ayon pa kay Mallorca.
Itutuloy ng mga magulang ng biktima na sampahan ng kasong robbery ang mga suspek. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
