Sibak sa puwesto ang hepe ng isang presinto sa Pasay City kasama ang dalawa pa niyang tauhan matapos silang mahuling natutulog habang naka-duty, ayon sa ulat ni Mariz Umali sa 24 Oras nitong Miyerkoles.
Mismong si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde mismo ang nakahuli sa tatlo na natutulog nang siya ay mag-inspeksiyon sa mga istasyon ng pulis sa Metro Manila.
Kinilala ang tatlong nasibak na sina Senior Inspector Ferdinand Duren at mga tauhan niyang sina PO3 Jodi Rezare at PO1 Michelle Flores.
"Ikaw ba PCP Commander dito? Alam mo bang tulog 'yung mga tao mo, pati ikaw tulog? Anong klaseng [pulis] kayo? Susmaryosep naman," ani Albayalde.
Bukod sa tatlo, 11 pa nilang kasamahan ang sinibak rin dahil sa pangungunsinti umano sa kanilang maling gawain.
Samantala, sa Muntinlupa City, nasita rin ang hepe ng Station 4 ng Sucat-Muntinlupa na si Senior Inspector Mark Oyad at kaniyang kainumang si PO2 Michael del Monte.
Hindi naman nakasuot ng tamang uniporme ang kanilang mga kasamahang sina PO1 Jocelyn Montero at PO1 George Guay Jr.
"Strictly prohibited sa amin 'yung umiinom sa loob ng opisina. Kung 'yung pag-iinom sa labas bawal o tino-tolerate na lang kung paminsan-minsan kung may okasyon, what more 'yung pag-iinom sa loob ng opisina at naka-half uniform pa," sabi ni Albayalde.
Bagama't walang namo-monitor na banta sa ngayon ang NCRPO mula sa mga terorista at organized crime groups, hindi raw ito dahilan para maging kampante ang mga pulis lalo na sa oras ng kanilang trabaho, ani Albayalde.
"Meron tayong nakukuhang mga text messages na kino-complain. Minabuti natin to see for ourselves, i-validate talaga 'yung mga complaint," dagdag pa niya.
Posibleng kasuhan ang mga pulis ng neglect of duty at masuspinde ng hanggang 15 araw kung kakitaan ng sapat na ebidensya.
Maaari ring mapadala sa Marawi City sa Mindanao ang mga pulis para sa kanilang disiplina, kung aaprubahan ito ni Philippine National Police chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa.
"Ma-experience mo kung paano ka ma-assign sa isang lugar na talagang critical at kailangan mo talagang magtrabaho at kailangan mo talagang gising," ayon kay Albayalde.
Nasa floating status sa kasalukuyan ang mga sinibak na pulis, at nakadestino sa Regional Personnel and Holding Administrative Unit ng NCRPO. —Jamil Santos/KBK, GMA News
