Isinailalim sa operasyon at nagpapagaling ang may-ari ng isang tindahan ng prutas sa Sydney, Australia na nakipagbuno at umagaw ng baril ng isa sa mga hinihinalang salarin sa mass shooting sa Bondi Beach na 16 katao ang nasawi.

Ayon sa kaniyang pamilya, nagpapagaling sa ospital ang 43-anyos na si Ahmed al Ahmed matapos, na nagtamo ng mga tama ng bala sa kaniyang braso at kamay.

Tinukoy ng netizens na si Ahmed ang sibilyang nagtago sa likod ng mga nakaparadang sasakyan bago sumugod mula sa likuran patungo sa suspek na namamaril, upang maagaw niya ang riple nito.

Ayon sa pulisya ng Australia noong Lunes, isang 50-anyos na ama at ang kaniyang 24-anyos na anak nito ang nagsagawa ng pag-atake sa isang pagdiriwang ng mga Hudyo sa Bondi Beach noong Linggo ng hapon, na ikinamatay ng 16 katao – ang pinakamalalang mass shooting sa bansa sa loob ng halos 30 taon.

Sinabi ng pinsan ni Ahmed na si Mustafa sa 7News Australia na ipinaalam ng mga doktor sa pamilya na nasa stable condition si Ahmed matapos ang operasyon.

"He is a hero, he is a hundred percent hero," ani Mustafa. "Still he is in the hospital and we don't know exactly what's going on inside ... but we hope he will be fine."

Umani ng papuri si Ahmed sa kaniyang ginawa mula sa lider ng Australia at maging sa ibang bansa.

Tinawag ni US President Donald Trump si Ahmed na "a very, very brave person" na nagligtas ng maraming buhay.

Ang premier ng New South Wales state na si Chris Minns, kung nasaan ang Sydney, tinawag si Ahmed na "a genuine hero." Sinabi nito na "the most unbelievable scene I've ever seen," ang video na nag-viral sa social media tungkol sa ginawa ni Ahmed.

Isang GoFundMe campaign ang inilunsad para kay Ahmed at mahigit A$200,000 ($132,900) na ang nalikom sa loob lamang ng ilang oras. Ang bilyonaryong hedge fund manager na si Bill Ackman ang pinakamalaking donor, na nag-ambag ng A$99,999 at ibinahagi ang fundraiser sa kaniyang X account. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News