Dalawang tao ang natagpuang patay sa bahay ng actor-director na si Rob Reiner sa Los Angeles, at iniimbestigahan ng mga awtoridad na posibleng homicide case, ayon sa pahayag ng Los Angeles Police Department (LAPD) noong Linggo. Batay sa mga lumabas na ulat, ang mga biktima ay mismong si Reiner at kaniyang asawa.
Hindi nagbigay ng detalye ang LAPD tungkol sa pagkakakilanlan ng dalawang nasawi. Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng Los Angeles Fire Department sa Reuters na isang 78-anyos na lalaki at isang 68-anyos na babae ang natagpuang patay sa isang bahay sa west Los Angeles na nauugnay ang address kay Reiner.
Kinilala ng ilang media outlet ang mga nasawi bilang sina Reiner at ang kaniyang asawa.
Naglabas ang Variety Magazine ng pahayag mula sa pamilya Reiner na nagsasabing, “It is with profound sorrow that we announce the tragic passing of Michele and Rob Reiner. We are heartbroken by this sudden loss, and we ask for privacy during this unbelievably difficult time.”
Samantala, mula umano sa multiple sources, iniulat ng People Magazine na ang mag-asawa ay pinaslang umano ng anak na si Nick.
"Police have not yet confirmed the account," saad ng People, at idinagdag na "Police say Nick, 32, is alive and being questioned. No arrests have been made."
Gumanap si Reiner, 78, bilang co-star sa hit na CBS television comedy noong dekada 1970 na “All in the Family” at nagdirek ng ilang kilalang pelikula, kabilang ang “The Princess Bride,” “This Is Spinal Tap,” “When Harry Met Sally,” “Stand by Me,” at “The American President.”
Dating photographer naman ang kaniyang asawa na si Michele, 68, na siyang kumuha ng litrato ni Donald Trump na ginamit sa pabalat ng kaniyang aklat na “Trump: The Art of the Deal.”
Bukod sa Hollywood career, kilala rin si Reiner sa kaniyang political activism. — mula sa ulat ng Reuters/Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News
