Naging usap-usapan kamakailan sa Silay City, Negros Occidental ang nangyari sa isang bangkay ng lalaki na may ibang pamilya ang umangkin habang pinaglalamayan na ng mga kaanak. Sino nga ba ang bangkay at alin sa dalawang pamilya ang kaniyang tunay na kamag-anak?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” unang inakala na ang bangkay ay ang kinagigiliwang barker sa lungsod na si “Begot.”
Dahil sa laman ng kalsada at kuwela si Begot, kinagiliwan siya ng mga tao dahil inaalalayan din niya ang mga taong tumatawid sa kalsada.
Kuwento ni Eulina, sa pamilya nila tumira ang pamangkin niyang si Begot nang maghiwalay ang mga magulang ng huli. Pero madalas daw talaga na nasa kalsada si Begot kaya nakasanayan na rin nila na hindi ito umuuwi sa kanilang bahay, hanggang abutin na ito ng buwan.
Hanggang sa nabalitaan na lang nila Eulina na naaksidente umano si Begot at namatay sa ospital matapos mabangga ng motorsiklo.
Pinapuntahan ni Eulina sa isang pamangkin ang bangkay sa ospital. At dahil sa kamukha ni Begot ang bangkay, kinuha nila ito para maiburol.
Ngunit habang nakaburol si Begot, isang pamilya na kinabibilangan ni Agnes ang nakiusap kila Eulina na kung maaari ay masilip nila ang bangkay.
Sila Agnes kasi na residente sa ibang barangay, hinahanap naman ang ama na si Nelson na ilang araw nang nawawala.
Ayon kay Agnes, nagpaalam noon ang kanilang ama na maglalakad lang pero hindi na muling nakauwi ng bahay.
Hanggang sa may nakapagsabi sa kanila na may nasawing lalaki matapos na mabundol ng motorsiklo. Ipinakita rin sa kanila ang larawan ng bangkay at naniniwala sila Agnes na ito ang kanilang ama na si Nelson, na ang paniwala naman nila Eulina, ay ang kamag-anak nilang si Begot.
Pinuntahan daw nina Agnes ang ospital kung saan dinala ang nasawing lalaki pero hindi pangalan ni Nelson ang nakatala roon kung hindi si Begot.
Kaya naman sunod na pinuntahan nila Agnes ang lugar kung saan nakaburol ang sinasabing si Begot. Pero nang makita nila ang bangkay sa ataul, kumbinsido sina Agnes na ito ang kanilang ama na si Nelson.
Sino nga ba talaga ang bangkay? Kung si Nelson ang nasa ataul, nasaan na si Begot? Tunghayan sa video ng KMJS ang buong kuwento. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
