Nahuli-cam ang brutal na pagpatay ng isang lalaki sa isang aso na ilang ulit niyang hinataw ng kahoy sa ulo sa gilid ng Montalban Public Market sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ng GTV News “Balitanghali” nitong Lunes, sinabi ng mga awtoridad na batay sa imbestigasyon, may napatay umano na panabong na manok ang naturang aso.

Posible umanong sinundan ng may-ari ng manok ang aso.

Namatay ang aso pero biglang nawala ang katawan nito sa lugar, at walang nakakaalam kung sino ang kumuha.

Ayon sa mga saksi, may dalawa pang kasama ang lalaking pumatay sa aso, at hindi kilala sa lugar ang mga lalaki.

Iniimbestigahan ng barangay ang nangyaring insidente, at tutulong umano ang Animal Kingdom Foundation (AKF) sa pagsasampa ng reklamong paglabag sa Animal Welfare Act laban sa mga pumatay sa aso.

Sa hiwalay na ulat, ipinaalala ng grupo na hindi dapat gantihan ang aso kung may magagawa itong kasalanan.

“Kung kailangan niyo mag-demanda, magsampa ng reklamo sa barangay para sa danyos perwisyos, gawin po natin yun. Huwag po ‘yung babalikan natin yung hayop para saktan at patayin,” ayon kay Atty. Heidi Caguioa, AKF program director. — FRJ GMA Integrated News