Sa isinagawang bicameral conference committee meeting hinggil sa panukalang pambansang budget para sa 2026, ilang senador at isang pangunahing lider ng Simbahang Katolika ang nagbabala tungkol sa pagtaas ng pondo para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program, na umano’y maaaring magamit pa rin sa patronage politics.
Una rito, inaprubahan ng mga miyembro ng Senado at ng Kamara de Representantes ang pagtaas ng pondo ng MAIFIP sa ?51 bilyon para sa 2026. Kasunod ito ng apela ng House panel na ibalik ang kanilang panukalang ?49-bilyong alokasyon—mas mataas kaysa sa ?24.2 bilyong pondo laan sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Ngayong 2025, may P41.16 bilyong alokasyon sa MAIFIP program sa ilalim ng DOH budget.
Sa bersiyon ng panuka ng Senado, tinapyasan at ginawang P29 bilyon lang ang MAIFIP funding para sa 2026.
Nagbabala si House Appropriations Committee chairperson Mika Suansing, na kung mananatili ang gusto ng Senado, posibleng makaapekto sa tinatayang 1.1 milyong pasyente.
MAIFIP
Ang MAIFIP ay programang tulong-pinansyal ng Department of Health (DOH) na layong magbigay ng suporta sa gastusing medikal ng mga kuwalipikadong aplikante, kabilang ang mga indigent at mga pasyenteng mahihirap.
Saklaw ng tulong ang mga gastusin na hindi kasama sa mga benepisyong ibinibigay ng PhilHealth, kabilang ang benefit packages, case rates, o iba pang available na pinagkukunan ng pondo.
Inilalarawan ang isang indigent patient bilang isang tao na walang malinaw na pinagkukunan ng kita o may kita na hindi sapat para sa ikabubuhay ng kaniyang pamilya, batay sa pagsusuri ng medical social worker sa health facility.
Samantala, ang mga financially incapacitated patients ay ang hindi itinuturing na indigent ngunit malinaw na walang kakayahang magbayad para sa kinakailangang gastusin sa kanilang gamutang medikal.
Kabilang dito (ngunit hindi limitado) sa mga pasyenteng may malulubha o nakamamatay na sakit na nangangailangan ng matagal na pananatili sa ospital, mga sakit na nangangailangan ng napakamahal na gamutan, o iba pang espesyal ngunit mahalagang pangangalaga na maaaring maubos ang kanilang pinansyal na kakayahan, ayon sa pagsusuri at sertipikasyon ng medical social worker.
Ang mga benepisyaryo ay dapat ma-admit sa basic o ward accommodation at maaari lamang mailipat sa susunod na available na private accommodation kung walang bakanteng basic o ward room, sa mga emergency case na nangangailangan ng agarang gamutan at admission sa Intensive Care Unit; at sa mga pasyenteng may nakahahawang sakit, immunocompromised, o may kondisyong nangangailangan ng isolation.
Sinasaklaw ng pondo ng MAIFIP ang mga gamot, serbisyo, at iba pang produktong medikal na inireseta ng lisensiyadong doktor o health professional, kabilang ngunit hindi limitado sa mga sumusunod:
- Mga gamot na aprubado ng Food and Drug Administration (FDA);
- Mga laboratoryo, imaging, radiological, at iba pang diagnostic procedures, kabilang ang bayad sa assessment o readers;
- Dugo at iba pang kaugnay na blood screening at produkto;
- Mga clinically indicated medical-surgical cases, obstetrics-gynecological cases na itinuturing na high-risk, kabilang ang mga kasong nangangailangan ng implants, medical devices at supplies, at iba pang kaugnay na procedures;
- Mga clinically indicated dental cases, kabilang ang routine preventive oral care, alinsunod sa mga patnubay ng DOH;
- Mga dialysis session na lampas sa saklaw at package rates ng PhilHealth;
- Iniresetang post-hospitalization at rehabilitation services, aftercare program, at angkop na mental at psychosocial support;
- Lahat ng hospital bills o singil matapos ibawas ang lahat ng naaangkop at available na deductions; at
- Professional fees (PF), alinsunod sa mga patnubay ng DOH.
Ang mga kuwalipikado ay kailangang mag-apply at magsumite ng mga kinakailangang dokumento sa medical social welfare worker ng health facility o ospital.
Guarantee letters
Gayunman, binabatikos ang programa dahil sa labis nitong pag-asa sa mga guarantee letter (GL) mula sa mga politiko, na ayon sa mga kritiko ay nagpapalaganap ng patronage politics.
Ibinibigay ang mga guarantee letter ng mga opisyal ng gobyerno, gaya ng mga senador at kongresista, na nangangakong sasagutin nang buo o bahagi ang gastusing medikal ng mga kuwalipikadong pasyente.
Nagkakaiba-iba ang proseso ng pagkuha ng GL depende sa opisina. Ngunit kadalasan ay sa pamamagitan ng pagsusumite ng solicitation letter.
Tinawag ni Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang programa bilang isang “paglabag sa dignidad ng tao.
Inilarawan din niya ang MAIFIP na isang “health pork barrel” sa pambansang budget na nagbibigay-daan umano sa mga politiko na kontrolin kung sino ang makakatanggap ng tulong at kung magkano.
Ilang mambabatas, kabilang si Senate President Pro Tempore Ping Lacson, ang nagbabala rin sa patuloy na patronage politics dahil sa itinaas na pondo ng MAIFIP para sa 2026.
Ayon kay Lacson, hindi niya pipirmahan ang bicameral conference report ng 2026 budget kung hindi naitatama ang mga probisyon kaugnay ng MAIFIP. — Sundy Locus/FRJ GMA Integrated News

