Nakunan sa CCTV camera sa Sampaloc, Maynila ang panghoholdap ng mga salaring naka-tricycle sa isang estudyante sa Sampaloc, Maynila.  Pag-amin ng isang opisyal ng barangay, hindi ito ang unang pagkakataon na umatake ang mga kawatang naka-tricycle.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, makikita sa video na nakunan sa CCTV ng Barangay 471, Zone 46, sa Sampaloc, ang isang naglalakad na estudyante sa bangketa habang nagte-text.

Maya-maya lang, isang tricycle na mula sa Laong-laan Street ang sumulpot at sinundan ang estudyante.

Ilang saglit pa, isang nakasakay sa tricycle ang bumaba, nilapitan ang estudyante at tinutukan ng patalim para kunin ang kaniyang cellphone.

Nang makuha ang cellphone, kaagad na umalis ang mga salarin sakay ng tricycle na wala umanong plaka at body number.

Ayon kay Reynaldo Manalang, Ex-O ng barangay, hindi ito ang unang beses na may nangyaring katulad na insidente na sakay ng tricycle ang mga salarin.

Sabi pa niya, halos kabataan din lang umano ang mga sakay ng tricycle.

Karaniwan daw modus ng mga suspek na mambiktima sa hindi mataong lugar, walang mga pulis at barangay tanod.

Paalala naman ni Manalang lalo na sa mga estudyante, maging alerte at iwasan ang pagte-text sa kalsada para hindi maholdap o mahablutan ng cellphone.

Kamakailan lang, nahuli rin sa CCTV camera ang mabilis na pagsikwat ng kawatan na bumaba sa isang tricycle para agawin ang cellphone ng isang estudyante sa Sampaloc din. -- FRJ, GMA News