Nahuli sa CCTV camera ang mabilis na pagsikwat ng kawatan sa cellphone ng isang estudyante at tumakas sakay ng nag-aabang na tricycle sa Sampaloc Maynila.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Balitanghali," makikita sa video ang pagdating ng isang tricycle sa España Boulevard dakong 3:00 am nitong Huwebes na tila naghahanap ng bibiktimahin.

Pumasok ang mga salarin sa Tolentino Street at doon ay nakita ang ilang estudyante na nakaupo sa harapan ng isang condominium at gumagamit ng cellphone.

Nilampasan muna ng mga kawatan ang mga estudyante at umikot. Maya-maya lang, bumaba na ang isang suspek at naglakad patungo sa likod ng mga estudyante at doon na ginawa ang paghablot sa cellphone ng isang biktima.

Mabilis na tumakbo ang kawatan patungo sa naghihitay na tricycle at tuluyang nakatakas at hindi na siya inabutan ng humabol na estudyante.

Hindi ito ang unang insidente ng pagsalakay ng mga snatcher na nakasakay sa tricycle sa lugar.

Noong Enero 16, nakuha rin sa camera ang bigong paghablot ng mga snatcher sa bag ng isang estudyante na kumakain ng lugaw sa gilid ng kalsada sa Antonio Street.

Patuloy ang imbestigasyon ng barangay kung iisa lang ang mga suspek sa magkahiwalay na insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA News